111026 Hataw Frontpage
111026 Hataw Frontpage

HATAW News Team

HINDI nakaligtas sa naglalagablag na apoy ang mag-ina na kanilang ikinamatay, habang sugatan ang padre de familia at isa pa nilang anak nang masunog ang kanilang bahay sa Velasco St., Barangay 7, Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mga biktimang namatay na isang 50-anyos ina at 8-anyos nitong anak. Sugatan ang 49-anyos ama at 13-anyos nilang anak na lalaki na napinsala habang inililigtas ang kanilang sarili sa  nasusunog na bahay.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong 3:15 ng madaling araw sa bahay ng kaanak ng mga biktima sa 104 Velasco St. Nagresponde ang nasa 25 firetruck, kabilang ang mga volunteer, ngunit hindi na nakalabas nang buhay ang mag-ina.

Natagpuan ang isa sa mga bangkay sa ikalawang palapag habang ang isa naman ay nasa unang palapag matapos bumagsak ang sahig ng bahay.

Umabot sa limang bahay ang natupok sa sunog na naapula dakong 4:46 ng madaling araw at idineklarang fire out dakong 5:25 am.

Mahigit 70 residente ang tinulungan ng Caloocan City Social Welfare and Development Department (CSWDD) at pansamantalang inilikas sa covered court ng Barangay 7.

Tiniyak ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang funeral at burial assistance sa pamilya, habang pinagkalooban din ng tulong medikal ang dalawang sugatan na kapwa nasa ligtas nang kondisyon sa Caloocan City Medical Center.

Patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng sunog at halaga ng napinsalang mga ari-arian.