NAGBABALIK ang tambalang kinabaliwan ng karamihan—sina Drake Palma at Alys Perez na matutunghayan sa panibagong yugto ng kanilang buhay, ang Dating Alys Perez na mapapanood na simula June 12 exclusive sa Viva One.
Muli ngang matutunghayan sina Rabin Angeles at Angela Muji para gampanan ang papel ng misteryoso ngunit grabe magmahal na si Drake Palma at ang sweet pero palaban na si Alys Perez.
Mula sa Wattpad story na umani ng milyon-milyong views, hanggang sa naging patok at pinag-usapang series adaptation, magpapatuloy ang kuwento ng roller coaster na pag-ibig sa Seducing Drake Palma series.
Samantala, si Zeke Polina na ang magiging knight-in-shining armor ni Alys o si Tripp Palma. Si Zeke ay unang nakilala sa pagganap bilang Ace “Supremo” Craige sa isa pang series ng Viva One na Hell University. Ngayon, siya naman ang gaganap bilang Tripp Palma, ang karakter na orihinal na ginampanan ni Dylan Menor na hindi na muling mapapanood sa serye.
Magsisimula ang Dating Alys Perez apat na taon matapos maka-graduate si Alys sa Brenford. Sa paglipas ng panahon, buo na ulit ang kanyang puso at naghilom na sa sakit na dulot ng pagmamahal kay Drake Palma. Masaya na muli ang dalaga sa piling ng taong mahal niya, at minamahal din siya ng tapat, ang kanyang boyfriend na si Tripp.
Pero sa isang iglap, babalik ang lahat – ang mga alaala, ang sakit, maging ang pagmamahal na matagal nang ibinaon sa limot dahil sa muling pagdating ni Drake.
Gagawin ni Drake ang lahat upang muling makuha ang pag-ibig ni Alys. At tulad ng dati, muling iinit ang tensyon kina Drake at Tripp dahil sa pag-ibig nila para sa iisang babae.
Hango sa kuwento ni Ariesa Domingo, o mas kilala bilang Beeyotch, at mula sa direksiyon ni Crisanto B. Aquino, muling subaybayan ang mga karakter na minahal na maghahatid ng panibagong kilig at drama.
Tiyak na mas exciting at paniguradong aabangan ang bagong kabanata sa Drake Palma Series. Abangan ang Dating Alys Perez, simula June 12, with fresh episode every Friday exclusive sa Viva One! (Maricris Valdez)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com