ni Allan Sancon
KILIG at kaba ang hatid ng pinag-uusapang kissing scene nina David Licauco at Ashtine Olviga sa upcoming Viva One series na Fight for My Way!
Handa na nga ba ang bagong tambalan sa kanilang intimate scene, o may halong nerbiyos pa rin bago humarap sa camera? Sa kanilang sagot, kapwa nila ipinakitang game sila sa challenge, pero hindi rin nawala ang biruan at nakakikilig na moments sa kanilang usapan.
Nang matanong kung ready na ba sila sa kissing scene, aminado si Ashtine na kinakabahan siya.
“Nakakakaba po, pero kailangan po naming i-fight-fight-fight,” sagot ng aktres.
Nang usisain naman kung game siya sa kissing scene kasama si David, kinakabahang sagot niya, “Opo…po…po….”
Dagdag pa ni Ashtine, “Kailangan po eh, kasi adaptation ito eh, kailangang gawin namin.”
Ipinakita ng sagot niyang ito na handa siyang gampanan ang hinihingi ng kanyang role bilang bahagi ng Filipino adaptation ng minahal na Korean series.
Pero kung si David naman ang tatanungin, mukhang may baon na siyang preparation para sa inaabangang eksena.
Nang matanong tungkol sa kissing scene nila ni Ashtine, pabirong sagot ng aktor, “Oo siyempre, oo naman, kailangan! Ready na, bumili na nga ako ng mouthwash na sampu.”
Natawa man sa kanyang biro, tiyak na mas lalo tuloy na-curious ang fans kung paano nila gagawin ang kanilang kissing scene at kung gaano katindi ang chemistry na maipakikita nila sa serye.
Hindi rin nakaligtas si Ashtine sa tanong tungkol sa mouthwash ni David. Nang usisain siya tungkol dito, mabilis naman siyang sumagot, “Nagma-mouthwash naman ako kahit walang kissing scene.” Isang simpleng banat na lalong nagdagdag ng saya sa kanilang palitan ng sagot.
Kaya naman, bukod sa kanilang on-screen romance, inaabangan din ng fans ang natural na kulitan ng dalawa habang naghahanda para sa kanilang mga karakter.
Ang tanong tuloy ng mga tagahanga: magiging all-out ba ang kilig kapag nasa harap na sila ng camera?
Ang Fight for My Way ay tungkol sa apat na magkakaibigang patuloy na lumalaban sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, habang hinahabol ang kanilang mga pangarap sa pag-ibig at career.
Sa Filipino adaptation, sina David at Ashtine ang gaganap bilang Hanz at Aira, matagal nang magkaibigan na naging sandalan ng isa’t isa sa bawat tagumpay at kabiguan. Si Aira ay nangangarap maging TV announcer ngunit napunta sa trabaho sa information desk ng isang department store, habang si Hanz, isang dating Taekwondo prodigy na gustong maging professional fighter, na napilitang magtrabaho sa pest control dahil sa problemang pinansiyal.
Makakasama nina David at Ashtine sina McCoy de Leon bilang Manny at Aubrey Caraan bilang Sally, na bahagi ng kanilang barkadang tinatawag na “Crazy Fantastic Four.”
Tampok din sa serye sina Rob Gomez, Icee Ejercito, Rafa Siguion-Reyna, Albie Casiño, Abby Bautista, Maui Taylor, Taneo, Marlo Mortel, Billy Villeta, Maru Delgado, Lester Llansang, at Nikka Ruiz, kasama ang iba pang mahuhusay na artista.
Sa kanilang magkakaibang karakter at personal na pinagdaraanan, inaasahang mas magiging makulay ang kuwento ng pagkakaibigan, pangarap, at pag-ibig.
Sa direksiyon ni Crisanto B. Aquino, bibigyan ng Fight for My Way ng sariling Pinoy flavor ang minahal na Korean series noong 2017. Bukod sa romantic moments, tampok din ang humor, relatable na struggles, at kulturang Filipino sa pamamagitan ng mga lokasyon, pagkain, at pang-araw-araw na karanasan.
Pinaghandaan din ng cast ang kanilang mga role sa pamamagitan ng workshops, bonding activities, at pag-aaral sa original material. Si David ay nagsimula ring mag-training sa mixed martial arts at Taekwondo upang mas maging kapani-paniwala sa kanyang karakter bilang Hanz.
Mapapanood ang Fight for My Way simula November 20, 2026, exclusively on Viva One.
