DINAKIP ng mga awtoridad ang isang empleyado ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 matapos magbirong may bomba sa kaniyang vest habang dumaraan sa manual inspection nitong Lunes, 26 Enero.
Ayon sa ulat ng PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP), nakatalaga ang empleyado bilang station loader at nang isinumite sa inspeksiyon ang suot na vest ay sinabi niyang “O, ayan may bomba dyan!”
Iniulat ito ng airport security screener at agad na nagsagawa ng sniffing at clearing operations ang Aviation Security Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit ngunit lumabas na negatibo ang lugar sa kahit anong klaseng eksplosibo.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng NAIA Police Station 3 ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong Unjust Vexation o paglabag sa Article 287 ng Revised Penal Code.
Samantala, nagpaalala si PNP AVSEGROUP Director P/BGen. Dionisio Bartolome, Jr. na maging responsable sa mga bibitiwang salita, lalo sa uri ng pagbibiro tungkol sa bomba o pampasabog na makaaapekto sa seguridad at kaligtasan ng publiko.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com