NAHULI na ang suspek sa nag-viral na video ng panghoholdap at pananakit sa 62-anyos Japanese national noong Sabado ng umaga nang matunton ng pulisya Lunes ng gabi sa Parañaque City.
Batay sa ulat ni Parañaque police chief P/Col. Nicolas Piñon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo, natunton nila ang suspek na si alyas Ariel, 49 anyos, vendor, dakong 6:30 ng gabi sa R. Medina Subdivision, Brgy. San Dionisio, matapos ang ginawang backtracking sa kuha ng mga CCTV mula sa pinangyarihan ng krimen hanggang sa pagtungo niya sa Brgy. San Dionisio.
Nabawi ng pulisya sa suspek ang mga gamit ng biktima kabilang ang sling bag, iPhone 14, earpods, passport, ATM, ID cards, at iba pang personal na gamit maliban sa P30,000 at Y30,000 o tinatayang P11,500.00.
Nagtungo si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Anthony Aberin sa SPD matapos iulat sa kanya ang pagkakadakip sa suspek at kinumusta ang lagay ng dayuhang biktima.
Nagsagawa agad ng follow-up operation ang pulisya matapos maulat ang nag-viral na video sa pananakit at panghoholdap ng suspek kay alyas Akira habang nagbi-bird watching sa wetland park area malapit sa shoreline ng Cavitex 10:00 ng umaga nitong Sabado.
Magugunitang hinataw ng dos por dos sa ulo ng suspek ang biktima nang tumangging ibigay ang sling bag na nagresulta sa pagkakaroon ng lamat ng bungo at pagkabiyak ng tenga.
Sa kabila ng pangyayari, sinabi ng Hapones kay Parañaque City Administrator Fernando “Ding” Soriano na babalik pa rin siya sa Filipinas sa paniwalang mas maraming Pinoy ang may mabubuting kalooban. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com