NAKABALIK na sa kani-kanilang tahanan ang mga kabataang Las Piñeros na na-stranded sa Cebu matapos lumahok sa Sinulog Festival dahil sa kawalan ng pasahe pabalik sa Maynila.
Personal na hinintay at sinalubong ni Mayor April Aguilar sa airport kahapon, dakong 4:00 am, ang mga kabataang Las Piñeros na lumahok sa Sinulog Festival sa Cebu.
Kasama ni Aguilar na sumalubong si Barangay Pilar chairman Ronillo Fuentes at City Social Welfare and Development Office – Las Piñas City upang personal na masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga nabanggit na kabataan.
May kabuuang 111 kabataan ang nakauwi sakay ng Philippine Airlines sa dalawang batch na sinundo ng grupo ni Mayor April Aguilar at direktang inihatid sa kani-kanilang mga tahanan upang tiyaking makasama nila ang kanilang pamilya.
Sa pagmamalasakit ni Aguilar, personal niyang ginamit ang kanyang sariling pondo para sa pasahe at iba pang pangangailangan ng mga naaberyang kababayan.
Patuloy na prayoridad ng Pamahalaang Lungsod ang kapakanan ng lahat lalo sa mga sitwasyong nangangailangan nang agarang pagkilos at malasakit. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com