Thursday , January 29 2026
https://www.facebook.com/bingoplusph
Alex Eala
TIKOM ang kamao ni Alex Eala matapos makapuntos, laban kay Alina Charaeva sa kanyang 6-1, 6-2 na panalo kagabi sa unang round ng singles ng Philippine Women’s Open sa Rizal Memorial Tennis Center. Todo hataw sa bola si Alex Eala pabalik sa kalaban, habang makikita ang dagsang home crowd na sumusuporta sa kaniya sa Philippine Women’s Open sa Rizal Memorial Tennis Center. (HENRY TALAN VARGAS)

Eala winalis si Charaeva sa PH Women’s Open

SA inspirasyon ng home crowd at sa kabila ng pangamba sa posibleng injury, winalis ni Alex Eala ang Rusian na si Alina Charaeva, 6-1, 6-2, upang muling makapagtala ng kasaysayan matapos manalo sa kanyang first-round singles match sa kauna-unahang Philippine Women’s Open na ginanap kagabi sa Rizal Memorial Tennis Center.

Halos hindi matinag sa unang set, humingi si Eala ng medical timeout matapos mapag-iwanan ng 1-2 sa ikalawang set, na ikinabahala ng kanyang mga Pilipinong tagahanga na pumuno sa bawat sulok ng 2,000-seat bleachers sa Center Court.

Labis ang ikinagaan ng kanilang loob nang, sa kabila ng bandage sa kanyang kaliwang hita, ay hindi nagpakita ng anumang senyales ng panghihina ang magandang left-hander.

Ang No. 2 seed ay gumawa ng kahanga-hangang pagbabalik sa pamamagitan ng pagwawagi sa susunod na anim na laro, gamit ang mga matitinding baseline winner mula sa magkabilang panig ng court na tuluyang yumanig sa kanyang kalaban.

Matapos magpakawala si Eala ng dalawang hindi maabot na forehand shots sa kahabaan ng linya, tuluyang bumigay ang nabiglang si Charaeva matapos magkamali ng mahabang forehand, na nagtapos sa malaking gabi para sa Filipinang ace matapos ang isang oras at 16 na minutong laban.

Madaling nakuha ni Eala ang unang set sa loob lamang ng 24 minuto sa isang laban na tila magiging madali.

Ngunit kinabahan ang mga manonood nang humingi siya ng medical timeout habang nahuhuli ng 1-2, na kalaunan ay napatunayang hindi seryoso habang ipinakita niya ang isang dominadong laro sa nalalabing bahagi ng laban.

Ang tagumpay ay nagsilbing isang uri ng pagdiriwang sa kanyang unang torneo sa bansa bilang isang propesyonal at naging pinakamaliwanag na sandali sa WTA 125 tournament na sinusuportahan ng Philippine Sports Commission, matapos isa-isang matalo ang kanyang mga kababayan.

Isa sa kanila ang national teammate na si Tennielle Madis, na bumigay sa ikalawang set laban sa Thai na si Mananchaya Sawankaew, 4-6, 0-6, sa unang major project para sa 2026 ng National Sports Tourism–Interagency Committee (NST-IAC) na pinamumunuan ng PSC Chairperson na si Patrick “Pato” Gregorio.

Matapos ang dikit na unang set, ipinakita ni Sawankaew kung bakit siya ang silver medalist ng 33rd Thailand Southeast Asian Games sa pamamagitan ng pagdomina kay Madis sa ikalawang set at tinapos ang laban sa loob ng isang oras at 19 minuto.

Sa suporta ng home crowd, malakas ang simula ni Madis at agad na nagtayo ng 2-0 kalamangan, ngunit bumawi si Sawankaew sa likod ng matibay na net play upang manalo sa susunod na apat na laro at maagaw ang 4-2 bentahe.

Sa wakas ay napigil ng Philippine Tennis Academy standout ang pagdurugo ng puntos nang maipanalo ang sariling serbisyo sa ikapitong laro at mabreak ang Thai sa kasunod na game upang itabla ang iskor sa 4-all.

Si Elizabeth Abarquez ang unang lokal na nabiktima matapos makatikim ng 0-6, 0-6 pagkatalo sa kamay ng Haponesang si Mai Hontama sa torneong suportado ng Philippine Sports Commission.

Nagawa naman ng Thai na si Lanlana Tararudee ang unang upset ng torneo matapos pabagsakin ang Swiss No. 7 seed na si Simona Waltert, 6-2, 6-3, 6-2, sa isang marathon match na tumagal ng dalawang oras at 10 minuto.

Samantala, nakaligtas sa upset ang No. 5 seed na si Camila Osorio ng Colombia laban sa nangungunang Japanese qualifier na si Sakura Hosogi, 6-4, 6-3.

Dinurog ng Ukranianang si Yuliia Staradoubtseva ang Thai na si Peangtarn Plipuech, 6-0, 6-4, upang makapasok din sa susunod na round ng kompetisyong inorganisa ng Philippine Tennis Association at pinahintulutan ng Women’s Tennis Association.

Sa opening doubles, napaaga ang pag-uwi ng UST teammates na sina Kaye Ann Emana at Justine Hannah Maneja matapos talunin ng tambalang sina Nicole Fossa Huergo ng Argentina at Darja Semenistaja ng Latvia, 6-2, 6-2, sa loob lamang ng 54 minuto.

Natanggal din sa torneo ang PH duo na sina Angeline Alcala at Joanna Pena, na natalo sa pares nina Sara Saito ng Japan at Li Yu-yun ng Taiwan, 0-6, 1-6.

Nanalo rin ang Taiwanese duo na sina Cho I-hsuan at Cho Yi-tsen laban kina Solana Sierra ng Argentina at Zhu Lin ng China, 6-2, 6-3, 10-4. (PSC ICE/HNT)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Henry Vargas

Check Also

Arrest Posas Handcuff

Sa loob ng 24 oras…
NEGOSYANTE DINUKOT, P5 MILYONG RANSOM NAPURNADA, TATLONG KIDNAPER TIMBOG

Sa pamamagitan ng mabilis at sama-samang aksyon ng pulisya ay matagumpay na nailigtas ng mga …

PVL Premier Volleyball League

Pagpapatuloy kaysa pagbabago: Tumaya ang mga koponan ng PVL sa chemistry

HABANG umikot ang karamihan sa usapan ng offseason ng Premier Volleyball League (PVL) sa mga …

MegaFUNalo Gioco Technologies

Partnership ng MegaFUNalo at Gioco Technologies inilunsad

OPISYAL na nakipag-partner ang MegaFUNalo sa Gioco Games, isang all-Filipino na game development studio, upang …

PBBM impeachment Makabayan bloc

Ikalawang impeachment vs PBBM inihain ng Makabayan bloc

ni Gerry Baldo ISINUMITE ang ikalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa …

BARMM BTA BEC rally protest

Amyenda sa BARMM Poll Code:
DAGOK SA KABABAIHAN, BANTA SA HALALAN

ni TEDDY BRUL UMAPELA ang mga sectoral group sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao …