Friday , December 5 2025
https://www.facebook.com/bingoplusph
Goitia

Chairman Goitia: “Hindi Kailanman Maaaring Ipagbili ang Diwa ng isang pagiging Pilipino”

ANO ang halaga ng isang bansa kung hindi nito kayang ipagtanggol ang sariling dangal? Ito ang mapanghamong  tanong na ibinato ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia habang buong puso niyang sinusuportahan ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang soberanya ng Pilipinas ay hindi kailanman maaaring  ipagpalit.

“Makatotohanan ang  naging pahayag  ng Pangulo,” diretsong sinabi ni Goitia. “Ang soberanya ay hindi paksa ng debate. Hindi ito isang bagay na pwedeng ipagpalit o ipagbili. Ito ang buhay ng ating bayan. At walang bansa, gaano man ito kalakas, ang may karapatang yurakan ito.”

Ipinaalala ni Goitia na hindi teorya lamang ang laban na ito. “Ito ay tungkol sa kinabukasan ng ating mga anak, sa pagkain sa hapag-kainan ng bawat pamilya , at sa kaligtasan ng ating karagatan. Kapag sinabi ng Pangulo na ang soberanya ay hindi maaaring ipagpalit, hindi siya basta nagbibitaw ng salita. Idinedeklara niya ang karapatan ng buong sambayanan na tumatangging apihin.”

Binalaan din niya na mapanganib ang kahit kaunting pagpapabaya. “Kapag pumayag tayong makompromiso, hindi lamang teritoryo ang nawawala kundi pati ang dangal natin bilang isang Pilipino. Kailangang maging matatag ang Pilipinas, at sa pamumuno ni Pangulong Marcos, tayo ay matinding naninindigan.”

Hinimok ni Goitia ang mga Pilipino na lubos  magkaisa. “Araw-araw, hinaharap ng  ating mga mangingisda  ang  banta sa karagatan. Ang ating mga sundalo ay inilalagay sa panganib ang kanilang buhay upang bantayan ang ating mga karagatan. Ang ating mga pinuno ay humaharap sa matinding hamon mula sa buong mundo. Ang pinakamaliit na magagawa natin ay tumindig kasama nila. Ang pagkakawatak-watak ay kahinaan. Ang pagkakaisa ang ating lakas. Ang soberanya ay tungkulin ng bawat Pilipino.”

Ipinahayag din ni Chairman Emeritus Goitia na  ang multi-awarded na dokumentaryong  “Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea” ay isang matibay na katotohanan kung bakit mahalaga ang laban na ito. “Ipinapakita ng  pelikulang ito ang katotohanang kinatatakutan ng China. Ipinakikita nito ang ibat-ibang mukha ng ating mga mangingisda, ang paghihirap ng kanilang pamilya, at ang tapang ng sambayanang tumatangging yumuko. Hindi mo ito mapapanood nang hindi ka tatamaan.”

Dagdag pa ni Goitia, may isa pang mas malalim na pelikula na ginagawa ngayon. “Isang bagong pelikula ang binubuo na mas malawak ang saklaw sa araw-araw na hirap at pagsubok ng ating mga bayani sa West Philippine Sea. Ipapakita nito ang karahasan at pang-aabuso ng mga dayuhang mananakop, at ipaliliwanag nang malinaw ang ating tunay na karapatan sa ilalim ng pandaigdigang batas at ang tagumpay na nakuha natin sa UNCLOS. Ang pelikula ay ginagawa ng Blessed Movement sa pamumuno ni Chairman Herbert Martinez. Malapit na itong maipalabas, at bubuksan nito ang mata ng bawat Pilipino sa buong katotohanan.”

Ang panawagang ito ay pinaigting ng  bigyang-diin ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año na iligal ang deklarasyon ng China na gawing “nature reserve” ang Bajo de Masinloc dahil malinaw na nilalabag nito ang  United Nations Convention on The law of the Seas  (UNCLOS), ang 2016 Arbitral Award, at ang 2022 Declaration on the Conduct of Parties. Aniya, ito ay pagkukunwari lamang upang palawakin ang kanilang kontrol, samantalang ang mga mangingisdang Tsino mismo ang napatunayang sumira ng bahura at nanghuli ng mga  endangered species. Buo ang suporta ng National Security Council (NSC) sa diplomatic protest na inihain ng Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa iligal na hakbang na ito.

Tinapos ni Goitia ang kanyang pahayag nang walang alinlangan: “Hindi kailanman maaaring ipagbili ang diwa ng Pilipino. Ang ating mga dagat ay atin, ayon sa batas, ayon sa kasaysayan, at ayon sa sakripisyo. Sa pamumuno ni Pangulong Marcos at sa pagkakaisa ng sambayanan, hindi tayo kailanman susuko, hindi tayo bibitaw, at hindi tayo patatahimikin. Ang soberanya ay hindi maaaring ipagpalit, at panahon na upang igalang ito ng buong mundo.”

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay kinikilala bilang Chairman Emeritus ng apat na makabayan at sibikong organisasyon: ang Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement. (MARISA SON)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Bong Son

Check Also

Bulacan Police PNP

11 timbog sa drug bust sa Bulacan

MATAGUMPAY na naaresto ng mga awtoridad ang 11 indibidwal na sangkot sa ilegal na droga …

Arrest Shabu

Sa Sta. Maria, Bulacan
P3-M shabu nasamsam, HVI tiklo

ARESTADO ang isang lalaking nakatala bilang high value individual sa ilegal na droga habang tinatayang …

DA‑4K NFA Rice IP Occidental Mindoro

Rice-Procurement Partnership ng mga magsasakang IP at ng pamahalaan, inilunsad

ISANG makasaysayang partnership ang inilunsad kamakailan upang isama ang Indigenous People (IP) usa local rice …

Porac Pampanga

Porac, Pampanga Mayor Capil sumuko nagpiyansa ng P.63-M para sa kasong graft

SUMUKO si Porac, Pampanga Mayor Jaime Capil nitong Martes, 2 Disyembre, sa Pasig City RTC …

Nag-alok ng droga binoga babaeng tulak tigbak sa Antipolo

Sa Antipolo
Nag-alok ng droga binoga babaeng tulak tigbak

PATAY ang isang babae matapos barilin ng lalaking sinabing inalok niyang bumili ng ilegal na …