ISA sa natitirang miyembro ng “Luffy Gang”, isang Japanese syndicate orchestrating scam, ang inaresto ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit ng Bureau of Immigration (BI) sa Pampanga.
Ikinasa ang operasyon sa pakikipagtulungan sa Philippine National Police na humantong sa pagkakaaresto kay Ohnishi Kentaro, 47, sa Barangay Cutcut sa Angeles City.
Napag-alamang si Ohnishi ay nakatala bilang undesirable alien matapos makatanggap ang BI ng impormasyon mula sa gobyerno ng Japan ng isang warrant of arrest laban sa dayuhang suspek na inisyu ng Tokyo Summary Court noong 2022 para sa pagnanakaw na lumalabag sa Japanese Penal Code.
Sinabi ng kawanihan na si Ohnishi at ang kanyang mga kasabwat ay nagpapanggap bilang mga alagad ng batas upang linlangin ang mga matatandang biktima na isuko ang kanilang mga ATM card sa pagkukunwari ng imbestigasyon ng pulisya.
Mula sa ulat sa mga awtoridad ng Japan, ang sindikato ay nakabuo ng higit sa ¥1 bilyon na iligal na kita mula sa pagnanakaw, pandaraya, at iba pang ilegal na aktibidad.
Ayon naman sa ulat mula sa BI, nagresulta ito sa paggawa ng grupo ng hindi awtorisadong pag-withdraw ng ATM, na nagkamal ng malaking halaga ng mga ninakaw na asset.
Sinabi ng BI na mahaharap sa deportation proceedings ang Japanese citizen samantalang ang ilang naarestong miyembro ng “Luffy” ang na-deport mula noong 2023 . (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com