KRITIKAL ang kalagayan ng pitong-buwang buntis matapos pagsasaksakin ng kanyang live-in partner na sinabing nasa impluwensiya ng ilegal na droga na naganap sa kanilang bahay sa Navotas City.
Kasalukuyang nasa Navotas City Hospital ang 18-anyos na biktimang si alyas Marie, maging ang kanyang dinadala ay inoobserbahan pa.
Agad naaresto ni PCMS Roberto Santillan ng Navotas Police Patrol Base-2 ang suspek na si alyas Kevin, 32-anyos, residente sa Cruz St. Tangos North, Navotas City.
Sa report mula sa tanggapan ni Navotas police chief P/Col. Renante Pinuela, habang naliligo ang biktima sa banyo dakong 12:00 ng tanghali, nang biglang pumasok ang suspek na armado ng patalim at magkakasunod na inundayan ng saksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan at leeg.
Nagsisigaw na humingi ng saklolo si Marie at nang banggitin niya ang salitang ‘Love’, dito lang itinigil ng suspek ang pananaksak kaya nagawang makatakbong palabas ng banyo ang biktima.
Sumaklolo ang lalaking kapatid ng suspek na agad isinugod ang biktima sa naturang pagamutan habang kaagad naaresto ang suspek sa mabilis na pagresponde ng pulisya.
Ayon sa suspek tila may bumubulong sa kanya na gawin ang krimen at hindi niya alam na kinakasama niya ang kanyang nasaksak.
Sinampahan ng kasong frustrated homicide in relation to Anti-Violence Against Women and their Children Act ang suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office. (VICK AQUINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com