TAGBILARAN, BOHOL — Mariing tinutulan ni Vice President Leni Robredo ang pagbabanta ni Pangulong Rodrigo Duterte na magdedeklara siya ng revolutionary government at ipaaaresto ang mga kritiko ng kaniyang administrasyon.
Ayon kay Robredo, hindi dapat idinaraan sa alboroto ang pagsagot sa mga kritisismo, lalo na’t ang banta ng Pangulo ay taliwas sa nasasaad sa Konstitusyon.
“Kailangan kasing alalahanin hindi lang ng Pangulo, hindi lang ako, pero iyong lahat na naglilingkod sa bayan, na marami talagang pagsubok iyong pinasok namin na trabaho. Maraming kahirapan, maraming mga frustrations, pero iyong pagsagot sa mga pagsubok at kahirapan, dapat within constitutional means,” wika ng Pangalawang Pangulo sa isang panayam sa Bohol.
“Hindi puwedeng dahil, parang, nag-alboroto ka, parang tatakutin iyong taongbayan sa isang paraan na hindi constitutional.”
Dagdag niya: “Tingin ko hindi ito responsableng response dahil kami, pagpasok namin sa ganitong trabaho, pagsumpa namin na aayusin namin iyong aming mandato, kabahagi na nito iyong kahirapan. Dapat handa kaming harapin iyong lahat na kahirapan.”
Ayon pa sa Bise Presidente, nakagugulat ang banta na ito ng Pangulo dahil siya ay isang abogado at dapat alam niya ang kaniyang mga tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon.
Nasa Tagbilaran si Robredo para sa paglulunsad ng Ahon Laylayan Koalisyon, na naglalayong tulungan ang mga sektor mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa na maiparating ang kanilang mga pangangailangan sa pamahalaan, sa pamamagitan ng pagbuo ng People’s Council — isang mekanismo na sinimulan ng yumaong asawa ng Bise Presidente na si dating Interior Sec. Jesse Robredo, noong mayor pa ng Naga City.
Dumalo rin sa nasabing pagtitipon ang mga kandidato ng Otso Diretso, na pinuna rin ang banta ng Pangulo.
Ayon sa kilalang human rights lawyer na si Chel Diokno, ang plano ni Duterte ay pagtataksil sa sinumpaan niyang tungkulin.
“Kapag tinuloy ng Pangulo ‘yan, tinatraydor niya mismo ang ating Saligang Batas. Tinatraydor niya ang taongbayan,” ani Diokno, ang founding dean ng De La Salle College of Law. “Ang payo ko lang siguro sa kaniya ay ‘wag naman siyang mapikon at ‘wag naman siya masyadong mainit ang ulo. ‘Chel’ lang siya.”
Binuksan naman ng election lawyer na si Romy Macalintal ang posibilidad na kapag nagdeklara ng revolutionary government ay hahalili si Robredo bilang Pangulo, dahil hindi ito sakop ng tungkulin ni Duterte sa ilalim ng Konstitusyon.
Kasama nina Diokno at Macalintal sa Otso Diretso sina Sen. Bam Aquino, Cong. Gary Alejano, dating senador Mar Roxas, dating congressman Erin Tañada, dating solicitor general Pilo Hilbay, at dating ARMM assemblywoman Samira Gutoc. (HNT)