NITONG Lunes, inilabas ng Malolos regional trial court ang hatol nitong guilty sa dating heneral na si Jovito Palparan, ang tinaguriang “berdugo” ng mga makakaliwang grupo, sa kasong pagdukot at pagkawala ng dalawang mag-aaral ng University of the Philippines noong 2006.
Bagamat hindi pa pinal ang desisyon na naghahatol kay Palparan na makulong nang 20 hanggang 40 taon, lalo pa’t iaapela ng dating heneral ng Philippine Army, ang hatol sa kanya ni Malolos RTC Judge Alexander Tamayo, hindi matatawaran ang tuwa na ibinigay nito sa mga magulang at kaanak ng dalawang biktima na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno.
Para sa mga ina ng dalawang mag-aaral, simula na ito ng hustisya na kanilang inaasam para sa mga anak. Ito ang nagbibigay sa kanila ng lakas ng loob na maniwala na mayroon pa rin palang pag-asa ang hustisya sa bansa. Isang malaking kagalakan na madinig ang hatol ng huwes na nagko-convict sa taong sa simula pa lang ay pinaniwalaan nilang “utak” sa pagkawala ng mga anak.
Malungkot na masaya ang desisyon na inihatol ng huwes dahil sa kabila ng positibong resolusyon ng kanilang kaso ay nananatiling nawawala ang kanilang mga anak. Mababaw ang sayang ito kung tutuusin lalo pa’t hanggang ngayon ay hindi mabatid ng kanilang mga magulang ang tunay nilang kalagayan: kung buhay pa nga ba sila o noon pa man ay pinaslang na sila.
Tunay na makakamit lamang ang hustisya para sa dalawang mag-aaral at ng kani-kanilang pamilya sa sandaling tuluyang maparusahan ang nagkasala at mailulutang ang dalawang biktima, buhay man sila o patay na.