Monday , December 23 2024

Bagong CJ De Castro gustong magpalapad ng sariling anino

MALIWANAG ang sabi ni Pang. Rodrigo “Di­gong” Duterte na sa “seniority” siya nagbase sa pagkakatalaga kay dating Associate Justice Teresita de Castro bilang bagong punong mahis­trado ng Korte Suprema.

Ito ay bilang sagot sa mga batikos na ang pagkakatalaga kay De Castro sa puwesto ay premyo sa pagkaka­patalsik kay dating chief justice Ma. Lourdes Sereno na kanyang pinalitan sa puwesto.

Paliwanag ni Pres. Digong, kung sino ang naunang pumasok ay siya ‘yung unang ma-promote.

Kung gayon ay wala ni bahid ng katotohanan ang pagyayabang ni De Castro na sa “track record” daw nagbase ng pagpili si Pres. Digong ng kapalit ni Sereno.

Katunayan na nagbubuhat lang ng sariling upuan si De Castro, ang sabi pa ni Pres. Digong:

“I am not familiar of any of them actually. Wala akong kilalang justice na ‘yung personal. Truthfully, I have not talked to anyone there. Wala akong kilala. They are all strangers to me.”

Samakatuwid, sinungaling at nagpapalaki lang ng anino si De Castro para bihisan ng katangian ang kanyang sarili?

Tatlo lang naman kasi ang mahistrado sa shortlist na isinumite ng Judicial and Bar Council (JBC) na kailangang pagpilian ng pangulo, isa rito si De Castro.

Natitiyak natin na bagsak si De Castro at hindi sana siya ang napili kung sa track record nagbase si Pres. Digong sa shortlist na isinumite ng JBC.

Kaya’t masakit man tanggapin ay wala tayong magagawa, hindi na kasalanan ni Pres. Digong kung si De Castro ang kanyang napili sa tatlo dahil wala namang itulak-sipain sa kanyang pinagpilian.

Kung seniority ang pag-uusapan, si Associate Justice Antonio Carpio talaga ang most senior at most qualified na maitalagang kapalit ni Sereno.

Pero, por delicadeza, maaga pa lang ay si Carpio na mismo ang tumangging mapabilang sa mga pagpipilian dahil ayaw mabahiran ng kulay sa pagkakapatalsik kay Sereno.

Hindi naman talaga kagandahan ang imahe ni De Castro bilang mahistrado ng Korte Suprema at wala siyang mabuting track record na maipagyayabang.

Paano ipaliliwanag ni De Castro ang pagkatig sa tampalasang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na payagan si ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada na makatakbong alkalde sa Maynila noong 2013 elections?

Sina De Castro at Supreme Court (SC) Associate Justice Diosdado Peralta ay kapwa dating mahistrado ng Sandiganbayan na humatol kay Estrada na guilty sa kasong pandarambong noong 2007.

Kasama sa kanilang ipinataw na hatol kay Estrada ang attached penalty na “perpetual disqualification from holding any public office” na katumbas ang pagtanggal ng karapatan na muling makatakbo sa alinmang posisyon sa pamahalaan.

Ang problema, iba ang desisyon ng Supreme Court kay dating Zamboanga Rep. Romeo Jalosjos na hindi pinayagang makatakbo noong 2013.

So, alin ngayon ang dapat magsilbing jurisprudence o desisyon na pagtutularan sakaling may katulad na kasong idudulog sa Korte Suprema – ang kay Jalosjos o ang kay Estrada?

Kung saka-sakali ay higit isang buwan lang ang itatagal ni De Castro sa puwesto kasunod ng nakatakda niyang pagreretiro sa kanyang ika-70 kaarawan sa Oktubre, alinsunod sa mandatory retirement.

Pangako ni De Castro, sa maikling panahon daw na kanyang ilalagi bilang punong mahistrado ng Korte Suprema ay makagagawa siya ng reporma sa judiciary.

Pero wala namang banggit si De Castro kung ano ang plano niyang imbentohin at ipatutupad na reporma sa judiciary.

Sana, unahin ni De Castro na repormahin ang kanyang sarili para maging epektibo at maging kapani-paniwala ang ipinangangalandakan niyang reporma sa judiciary.

Sabi ng mga Kapampangan, subukan pamu para mabalu!

Sa wikang Ingles, walk the talk!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *