IPINANGONGOLEKTA ng ‘payola’ ng isang Malacañang official ang mga miyembro ng media mula sa mga smuggler at tiwaling opisyal ng Bureau of Customs (BoC).
Ito ang inamin ng isang Customs official matapos masukol at mabuking sa pagkawala ng mga high-end luxury vehicles na una nilang nasabat sa isang sub-port sa Mindanao.
Kabilang sa hindi na makita ang kompiskadong 38 luxury vehicles sa nabanggit na Customs sub-port.
Kasama sa mga modelong sasakyan na naglahong parang bula ang Toyota Siena; Ford Sedan; Toyota Land Cruiser; Chevrolet na may jet ski at trailer; Mercedes Benz Sedan; 3 Ford pick-up; at Mercedes Benz sports car.
Natuklasan na kalahati sa ibinayad na buwis ng mga nasabat na sasakyan ay sa bulsa ng mataas na opisyal pumapasok sa nabanggit na sub-port kaya’t nalulugi ang pamahalaan.
Halimbawa, siningil umano ng halagang P5 milyon na bayad sa buwis para sa dalawang Ford na sasakyan.
Pero sa opisyal na resibo, lumitaw na P2.3 milyon lamang ang ipinasok sa kaban ng pamahalaan at ang mahigit sa kalahati ng balanse ang ‘ninakaw’ at pinagparte-partehan sa nabanggit na sub-port ng Customs.
May 23 pang luxury high-end vehicles ang sinasabing nawawala rin at kahina-hinalang nailabas na sa nabanggit na sub-port, kasabay ng illegal na shipment ng ukay-ukay na ang importasyon sa bansa ay mahigpit na ipinagbabawal sa batas.
Eto na… nang matumbok siya ay biglang ikinanta ng tarantadong opisyal ng Customs na nakatimbre siya sa isang Malacañang official.
Ipinanakot pa raw ng gagong Customs official na siya ay naghahatag sa Malacañang official kapalit ng proteksiyon sa media.
Ipinangalandakan pa raw ng hugis itlog ang mukha na opisyal sa Malacañang na kontrolado nila ang lahat ng media sa buong bansa kaya’t siya na ang bahalang sumawata at patigilin ang sinomang mamamahayag na magtatangkang ibulgar ang patuloy na katiwalian sa Customs.
Ang nakababahala, walang nakaaalam kung sino-sino sa mga nasa media ang kasama sa hawak na listahan ngMalacañang official at walang kamalay-malay na ipinangongolekta ng ‘payola’ sa Customs at sa iba pang tanggapan ng pamahalaan.
Mula raw nang maitalaga sa puwesto ang damuhong Malacañang official ay wala itong pinagkaabalahan kundi isangkalan ang mga miyembro ng media sa kanyang raket na may basbas umano ng isa pang mataas na opisyal sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) na pinamumunuan ni Sec. Martin Andanar.
Ang grupo ng Malacañang official ay kinabibilangan ng isang undersecretary at ng isang samahan sa media na kasalukuyang kinabibilangan ng mga lehitimong smuggler at extortionist na ginagamit ng PCOO.
Ayuuun… kaya naman pala nagugulat ang mga kapitbahay ng hindot na Malacañang official sa laki ng renovation ng bahay at biglang pagdami ng mga sasakyan sa kanyang bahay.
Sa ngalan ng mga nasa media ay nagpapasasa ang mga ‘animal’ sa pangongolekta ng payola at ‘tong’ sa iba’t ibang opisina ng gobyerno.
Pero pagdating sa ibinigay na furlough ng Quezon City Regional Trial Court kay dating ARMM Gov. Zaldy Ampatuan na makadalo sa kasal ng anak na babae ay tahimik ang hinayupak na opisyal at mga kasabwat sa payola raket.
Si Ampatuan na principal accused sa Maguindanao massacre ay pinayagang makadalo ng hukuman sa kasal ng anak noong nakaraang linggo na ginanap sa Sofitel Hotel.
Nakalista bilang principal sponsors sa kasal ng anak ni Ampatuan ang ilang matataas na opisyal ng administrasyon na sina senatorial wannabe at Special Assistant to the President Cristopher “Bong” Go, Executive Sec. Salvador Medialdea, Presidential Adviser on Peace Process Jesus Dureza at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Sino kaya ang Malacañang official na tinutukoy ng Customs official na nangongolekta sa kanya?
Basta’t ang alam ko, ang grupo ng Malacañang official ay napabalita rin na kumita sa mga Ampatuan para patahimikin ang media sa Maguindanao massacre.
Tama ba, Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) executive director Joel Sy Egco!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid