SA ganitong kalagayan ng industriya ng entertainment sa ating bansa, naaalala namin at nanghihinayang na wala na nga si Kuya Germs. Hindi natin maikakaila, si Kuya Germs ang nakapag-build up ng napakaraming mga artista ng sabay-sabay. Dumating ang panahon na halos lahat ng mga big star sa mga pelikula at telebisyon ay galing sa kanyang That’s Entertainment. Hanggang ngayon naman iyong mga dating taga-That’s pa rin ang sikat. Iyan bang sina Sunshine Cruz. Judy Ann Santos, Bing Loyzaga, Vina Morales, Ara Mina, at kung sino-sino pang napapanood ninyo sa mga serye, hindi ba lahat iyan galing sa That’s?
Pero napakahirap nang mangyari iyon kahit na ibalik pa ang That’s Entertainment, kasi wala na si Kuya Germs, at siya lamang ang nakaaalam ng kanyang formula. Isa kami roon sa madalas na kausap ni Kuya Germs. Minsan hindi kami nagkakasundo sa sistema niya ng pag-build-up, o tingin niya sa mga kailangang i-build up, pero in the end lumalabas na tama siya eh.
Palagay namin iyan ang wala sa ngayon. Karamihan kasi sa mga “starbuilders kuno” ngayon ay puro self-proclaimed lang. Wala silang actual experience. Eh si Kuya Germs noon, sinasabi nga niyang natutuhan niya ang style ni Doc Perez ng Sampaguita Pictures at ni Don Jose Zarasa Clover Theater. Iyon ang kanyang background kaya alam niya kung ano ang gusto ng masa.
Tinitilian nila noon si Kuya Germs na ang mga alaga niya ”walang K.” Pero may rating ang TV show nila at kumikita ang pelikulang ginagawa ng mga iyon. Eh ngayon, masasabi mo bang may “K” iyong mga Walwal boys, at iyong mga Squad Goal boys matapos na mag-flop ang kanilang pelikula?
Iba talaga iyong alam kung ano talaga ang pulso ng masa. Hindi mo matututuhan iyan sa libro, at lalong fake news naman ang mga nagyayabang na mapapasikat nila ang mga artista sa libro. Sino ba ang napasikat nila talaga?
HATAWAN
ni Ed de Leon