KAHIT tatlong taon nang walang ginagawang pelikula, at ni hindi lumalabas ng regular sa telebisyon, masaya pa rin ang aktres na si KC Concepcion dahil sinasabi nga niyang sa loob ng panahong iyon ay nakatulong siya sa pag-develop ng mga beauty product, at nakapag-disenyo ng mga alahas na siya niyang negosyo sa ngayon.
Tiyak na sasabihin ng iba na hindi wise iyon, dahil tiyak naman na ang maaari niyang kitain bilang isang aktres ay higit na malaki kaysa kikitain niya sa beauty products at mga alahas. Pero kung pag-aaralang mabuti, magandang diskarte iyon para sa kanyang career.
Dahil siguro napansin din niyang hindi nga maganda ang takbo ng industriya at hindi na rin maganda ang mga offer, minabuti muna niyang gumawa ng ibang negosyo. Mas tama naman iyon kaysa gaya ng ginagawa ng iba na masama na nga ang sitwasyon, nagta-trying hard pa ring ipilit ang sarili sa paggawa ng pelikula. Dapat kung napapansin na ngang hindi maganda ang sitwasyon, tigil muna. Gayahin nila ang ginagawa ni KC kaysa naman sa masabing sila ay “trying hard”.
Maraming mga artistang ganoon eh. Ayaw nilang magnegosyo o humanap ng ibang trabaho, kasi nga ang feeling nila artista sila. Isa pa, naliliitan sila sa maaari nilang kitain. Pero ano ang gagawin nila kung hindi sila magsisikap? Maghihintay pa ba silang tumanda sila at malaos at saka sila kikilos? Ilang artista na ang nakita nating naghirap. May nakatira na lang sa ilalim ng tulay. Mayroong naglalabada na lang. Kami mismo may nakitang isang dating sikat na female star na nagtitinda ng bagoong sa palengke. Kung noon ba namang panahon ng kasikatan nila at may malaking kinikita at magagawang puhunan ay nagsikap na sila, aabutin ba nila iyon?
HATAWAN
ni Ed de Leon