PATULOY sa paghataw ang showbiz career ng masipag na Kapamilya actor/TV host/dancer na si Nikko Natividad. Bukod sa kaliwa’t kanang TV shows tulad ng It’s Showtime at Umagang Kay Ganda, plus Fudgee Bar na ipalalabas sa Facebook at sa YouTube, pati sa pelikula ay umaarangkada rin siya.
Mapapanood si Nikko sa pelikulang Bakwit Boys na isa sa entry sa darating na Pista ng Pelikulang Pilipino 2018 ng FDCP na mapapanood mula August 15-21 sa lahat ng sinehan, nationwide. Bukod kay Nikko, tampok din sa pelikula sina Ryle Santiago, Vance Larena, Mackie Empuerto, at Devon Seron. Ang pelikula ay under ng T-Rex Entertainment.
Ito’y isinulat at pinamahalaan ni Direk Jason Paul Laxamana, at dito’y level-up na si Nikko dahil bida na siya sa naturang pelikula.
Ang Bakwit Boys ay ukol sa magkakapatid na naging biktima ng kalamidad. Makikita ang kanilang katatagan dito sa mga kakaharapin nilang pagsubok, na kabilang sa magiging sandigan nila ang pagmamahal sa musika.
Ayon sa actor na isa sa member ng Hashtags, ang matututuhan sa kanilang pelikula ay pag-abot sa mga pangarap sa buhay sa kabila ng pagdating ng mga pagsubok. “Maraming kabataan kasi ang takot na abutin ang kanilang mga pangarap dahil lagi nilang iniisip na kulang sila sa pera, kulang ang suporta sa pera at kahirapan. Pero hindi lang naman pera ang kailangan para makuha mo ang iyong pangarap, dahil may mga ibang paraan pa.
“So kapag nagtulungan kayo bilang pamilya, especially na magkakapatid kami rito, lalo sa mga Filipino na passion talaga ang music, kayang-kayang abutin ang pangarap kahit na wala kang pera,” pahayag ni Nikko.
Dagdag niya, “Ang pelikula ay magbibigay ng inspirasyon sa mga tao, at hindi ito iyong movie na parang umaarte na kumakanta, hindi ganoon. Drama siya about sa magkakapatid na mahal ang music.”
Nabanggit ni Nikko na isang challenge sa kanya ang pelikulang ito. “Na-challenge ako kasi ‘di ba sabi ko ang forte ko ay comedy, hosting… Dito kasi seryoso e, hindi siya comedy, drama talaga. So, pinakamahirap na nagawa kong trabaho ito. Makikita nila rito sa pelikula na ibinigay ko ang lahat ng makakaya ko dahil first major movie ko ito, e,” nakangiting saad niya.
Puring-puri naman ni Nikko ang kanilang director dito. “Kay direk Paul Laxamana magaan siya katrabaho, hindi siya nagmumura, hindi siya sumisigaw, kaya sabi ko sana huwag siyang magbago. Kasi nakakatulong sa mga artista na ‘yung direktor ganoon e, hindi nagmumura sa artista, nakakahiya kasi, e. Bale, cool na cool talaga katrabaho si Direk.”
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio