HINDI maitago ni Christian Bables ang kagalakan sa ibinigay sa kanyang pagkakataon na tampukan ang pelikulang Signal Rock. Ang naturang pelikula na bahagi ng Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) 2018 ay mapapanood mula August 15-21 sa lahat ng sinehan, nationwide. Ito ay mula sa pamamahala ni Direk Chito Roño.
Pahayag ng award-winning actor, “Masaya, masaya and I feel so blessed, I feel so blessed, kasi rati pangarap lang pero ngayon ay nakikita ko na ‘yung pangalan ko, Christian Bables in Signal Rock. So masaya, ang saya-saya po sa pakiramdam.”
Idinagdag ni Christian na pinaghirapan nila talaga ang pelikulang ito.
“Yes po, pinaghirapan talaga namin, fifteen days straight na wala halos tulog… pero masaya…
“Sobrang happy po, sobrang happy sa kinalabasan ng pelikula. Kung sa Die Beautiful, feeling ko nailabas ko ang one hundred percent ko, I think ito, hindi ko na mabilang kung ilang percent, kasi, iba talaga…
“Anong tawag dito…? Kasi, kagaya ni Direk Jun (Lana), ibang klaseng magdirek din si Direk Chito, kumbaga parang nailabas niya ‘yung other side of me. Nailabas niya ‘yung bagong ako na hindi pa nakikita ng mga tao. So, I’m excited and I feel so blessed na napupunta ako sa mga direktor na kagaya nila Direk Jun, Direk Chito na binibigyan ako ng pagkakataong mailabas ‘yung passion ko as an actor,” masayang esplika ni Christian.
Ang Signal Rock ay mula sa Cape Signal Rock (CSR) Films at Regal Entertainment at tinatampukan din nina Daria Ramirez, Elora Españo, Francis Magundayao, Mon Confiado, Nanding Josef, at iba pa.
Incidentally, ang kompletong entries sa PPP 2018 ng FDCP na pinamumunuan ng masipag na chairperson at CEO nitong si Ms. Liza Diño ay Ang Babaeng Allergic sa WiFi ni Direk Jun Lana; Signal Rock by Chito Rono; The Day After Valentine’s by Jason Paul Laxamana; Bakwit Boys by Jason Paul Laxamana; We Will Not Die Tonight by Richard Somes; Pinay Beauty by Jay Abello; Unli Life by Miko Livelo; at Madilim ang Gabi ni Direk Adolf Alix Jr.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio