SA totoo lang. Natuwa kami nang manalong best actor sa The Eddys si Aga Muhlach. Kasi kung iba ang nanalo hindi namin masasabi kung bakit nanalo, kasi hindi naman namin napanood ang mga pelikula ng ibang nominado, maliban kay Ronaldo Valdez na kasama rin ni Aga sa iisang pelikula, na napanood namin lately lang nang ipinalalabas na sa cable.
Sa totoo lang, nang manalo si Aga, ang naging comparison lang namin ay iyong performance nilang dalawa ni Ronaldo. Pareho naman silang may iba pang mga kahati sa lead role sa pelikulang iyon, pero sa totoo lang naniniwala kami na sa lahat ng mga leading men sa pelikula, talaga namang sina Ronaldo at Aga ang nagbigay ng magandang performance. Hindi naman namin sinasabing bugok ang acting niyong iba, pero nangibabaw talaga sina Ronaldo at Aga.
Ngayon, between the two, naniniwala kaming mas nakalalamang nga si Aga. Bukod doon may isa pang factor, sikat na actor si Aga. Hanggang ngayon marami pa rin siyang fans. Ang kanyang popularidad ay makadaragdag sa “acceptability” ng awards kaysa ang kung manalo ay hindi kilala lahat. Kung ang lahat ng mananalo ay hindi kilala, eh di maririnig mo lang iyong ”Sino?’” ni Arnold Clavio.
Aminin natin na iyang awards, dumedepende rin sa “public acceptance.” Gaano man kalinis ang isang awards, kagaya niyang Eddys na wala namang lagayan talaga. Hindi sila tumatanggap ng pabuyang trips abroad mula sa mga mananalo dahil nakakabiyahe naman sila on their own. Hindi rin naman sila iyong humihingi sa mga nanalo ng isang ”thanksgiving party” pagkatapos. Kung hindi naman kilala ng mga tao kung sino ang mga nanalo, aba eh lilipas ng ganoon lang iyan. Kaya nga sa ibang bansa, mayroong tinatawag na “peoples choice” dahil kailangan talaga ang “public acceptance.”
Kung napansin ninyo noong araw pa, mayroon ding isa pang award, na sa totoo lang wala rin namang tsismis ng anomalya, pero hindi masyadong pinapansin dahil ang mga nananalo halos iyon at iyon din. Para bang wala nang ibang mahusay para sa kanila kundi iyong mga paborito nila. Hindi rin naman maganda ang ganoon.
Kaya dapat nga sana, iyang awards ay balanced din. Sige papanalunin ninyo iyong mga indie, pero hindi riyan nabubuhay ang industriya dahil walang nanonood niyan, kaya nga gawa sila nang gawa ng kanilang mga festival dahil kung hindi, ni hindi makakuha ng sinehan. Bigyang konsiderasyon din natin ang mga pelikulang bumubuhay sa industriya dahil iyon ang kumikita, at walang duda na iyon ang gustong mapanood ng mga tao.
Pero kagaya nga nang nasabi namin, hindi naman nila sinasabing mahalaga sa kanila kung kumikita ang pelikula o hindi. Basta sila ay nagre-rate batay sa mahuhusay na performance ng mga pelikulang napanood nila. Buti sila napapanood nila ang mga pelikulang iyon, pero para sa kagaya namin na nagbabayad kung nanonood ng sine, aba eh hindi namin makikita iyang mga ganyang pelikula.
Una kung gagastos kami, ang panonoorin na namin ay iyong mga pelikulang ikatutuwa namin. Alangan namang magbabayad pa kami para mapanood ang mga pelikulang hindi naman namin gusto at ni hindi namin kilala kung sino pinanonood namin.
Iyong sa amin naman pagiging practical lang. Two hundred seventy pesos na ngayon ang bayad sa sine. Maghihintay ka pa ng simula bago ka papasukin. Kaya madalas sa TV na lang kami tutal pagkatapos lang ng ilang buwan nasa cable na iyan, kung mapipirata at mai-post pa sa social media iyan nang mas maaga.
HATAWAN
ni Ed de Leon