Monday , December 23 2024

Goodbye Aguirre!

MAY itinalaga na si Pang. Rodrigo “Digong” Duterte na bagong kalihim sa Department of Justice (DOJ) kasunod ng ‘pagbibitiw’ sa puwesto ni dating secretary Vitaliano Aguirre.

Ang pagbibitiw ni Aguirre ay iniuugnay sa garapal na pagkakabasura ng DOJ sa mga kaso laban sa suspected at convicted illegal drugs personalities na kinabibilangan nina Peter Lim at self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa.

Umani ng positibong reaksiyon mula sa publiko ang ginawang pagsibak, ‘este, pagtanggap pala ng pangulo sa resignation ni Aguirre hindi lamang sa nabanggit na kaso kung ‘di pati sa iba pang kontrobersiyal na desisyon.

Kabilang sa mga garapal na desisyon ni Aguir­re ang pagkakaabsuwelto kay Kim Wong at principal suspects na sangkot sa pagnanakaw ng $81-M sa Bangladesh Bank na pumasok sa Rizal Commercial Banking Corruption, este, Corporation (RCBC).

Marami rin ang kombinsidong hindi basta maglalakas-loob ang dalawang dating deputy commissioners ng Bureau of Immigration (BI) na sina Al Argosino and Michael Robles na sumabit sa P50-M bribery-extortion kay Jack Lam noong 2016 sa City of Dreams casino nang walang basbas ng nakatataas na opisyal sa DOJ.

Sina Argosino at Robles na kapwa umamin sa kanilang katiwalian ay parehong inirekomenda ni Aguirre na mapuwesto sa BI at tulad niya ay miyembro rin ng Lex Talionis fraternity sa San Beda.

Tama si Pres. Digong na palitan ang mga miyembro ng Gabinete na hindi mapagkakatiwalaan dahil sila ang sisira sa isinusulong na pagbabago ng administrasyon.

Better luck next time at makahanap sana si Aguirre ng matinong trabaho.

Kailan naman kaya balak isunod ni Pres. Digong ang mga inutil at walang silbi sa kanyang gabinete?

Wala kayang balak si Pres. Digong na isunod sina PCOO Sec. Martin Andanar at DOLE Sec. Silvestre Bello III?

MAY KASALANAN
DIN ANG CA

PARA sa mga politikong mambabatas naman na bumabanat bago pa tanggapin ng pangulo ang pagbibitiw ni Aguirre sa puwesto, dapat muna kayong humarap sa salamin.

Dapat malaman ng mga mambabatas na res-ponsable rin sila, lalo ang mga miyembro ng Commission on Appointments (CA), kung bakit may mga opisyal sa executive na umaabuso sa tungkulin at kapangyarihan.

Nakalimutan yata ng mga damuhong miyembro ng CA na sila ang may kapangyarihan sa kompirmasyon ng presidential appointees at isa si Aguirre sa kanilang ipinasa.

Ang gusto kasi ng mga mambabatas ay laging sila lang ang malinis kahit saksakan naman nang babaho.

ALBAYALDE PAPALIT
KAY BATO SA PNP

KINOMPIRMA rin ni Pres. Digong na si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Gen. Oscar Albayalde ang susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP) at papalit sa babakantehing puwesto ni Gen. Ronald “Bato” dela Rosa ngayong buwan.

Sana lang ay hindi maging nationwide ang operasyon ng illegal gambling at jueteng na namamayagpag sa Metro Manila sa sandaling maluklok na hepe ng PNP si Albayalde.

Ano naman kaya ang magkakatotoong pa­ngako ang ililitanya ni Albayalde na kanyang gagawin bilang bagong PNP chief?

Tuwing may bagong hepe ang PNP ay parang sirang-plaka na paulit-ulit lang natin naririnig na laging susugpuin ang illegal gambling pero ni minsan ay hindi naman nagkatotoo.

Ngawit na ngawit na kasi ang publiko sa kahihintay at umasa kung kalian kaya talaga magkakaroon ng makatotohanang liderato sa hanay ng pulisya.

Kahit anong pasiklab ang imbentohin ng mga mamumuno sa hanay ng pulisya ay balewala rin kung hindi magsisimula ang disiplina mula sa itaas.

Gano’n pa man, hangad natin ang tagumpay sa mabubuting layunin na isusulong ng bagong liderato sa PNP.

Huwag sanang tularan ni Albayalde si Bato na puro arte at dakdak lang ang alam.

Good luck na lang, Gen. Albayalde!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *