MUKHANG maling-mali na tawagin iyong pelikulang Ang Larawan na isang indie film. Totoo, ang producers niyan ay hindi isang malaking kompanya. Independent producers nga sila. Pero iyong Ang Larawan, na isang pelikulang napakahusay ang pagkakagawa, ginawa ng mahigit na dalawang taon, ginastusan nang husto at ang kinuhang mga artista at tekniko ay ang pinakamahuhusay, hindi mo sasabihing indie iyan.
Sigurado kami na mas malaki ang ginastos sa produksiyon ng pelikulang iyan kaysa lahat ng iba pang mga kasali sa Metro Manila Film Festival.
Iyang ganyang mga pelikula ay hindi namin tinatawag na indie. Iyan ang matatawag na “experimental cinema” na ginagawa noong araw, ginagastusan ng malaki, para talagang makalaban sa international standards. Ganyan iyong mga pelikula noong araw na ginagawa sa ilalim ng Experimental Cinema of the Philippines, kagaya rin niyong pelikulang Himala, na matapos ang maraming taon ay kinilala ng Cable News Network bilang pinakamahusay na Asian movie of all time.
Dahil sa makabagong teknolohiya sa paggawa ng pelikula na nagagamit ngayon, ang tingin namin doon sa pelikulang Ang Larawan ay mas maganda kaysa Himala, na noon ay limitado rin dahil sa limitasyon ng equipment na ginagamit.
Iyong bida nilang si Joanna Ampil, kilala iyan internationally dahil lumabas na siyang Kim sa Miss Saigon, Fantine sa Les Miserables, at ngayon kasama rin sa Cats. Kilala siya sa Broadway at sa London. Iyon namang si Rachelle Alejandro, established singer iyan. Tingnan din ninyo ang cast, kasama sina Celeste Legaspi, Nanette Inventor, Dulce, at iba pang malalaking stars. Iyong musika nila nilikha ni Ryan Cayabyab. Iyong kuwento niyan ay ginawa ni Nick Joaquin na isang national artist. Iyong libretto ay ginawa naman ni Rolando Tinio na isang national artist din. Ngayon sasabihin mo bang iyan ay isang indie?
DANIEL, PINAKA-POGI
SA MGA JAPANESE-BRAZILIAN
MODEL
PINAGMAMASDAN namin si Daniel Matsunaga noong press conference ng kanilang pelikulang Meant To Beh. Kahit na anong tingin ang gawin mo, talagang pogi si Daniel. Napansin din namin, sa lahat halos ng performances niyang si Daniel, sabihin mo mang fashion shows na natural medyo mataas ang level ng audience, o maski na sa mga mall show na ang audience naman ay masa, talagang tinitilian siya ng mga babae, at maski na mga bading din.
Ewan kung may tututol sa sasabihin namin, pero palagay namin iyang si Daniel ay pinaka-pogi roon sa mga Japanese-Brazilian models na dumating sa ating bansa.
Pero simula noong mapasok siya sa showbusiness, ilang artistang babae na nga ba ang naging syota ni Daniel, at sa lahat ng pagkakataon ay nakikipag-break sa kanya ang mga iyon. Ano ang dahilan?
Pero ngayon may non-showbiz girlfriend na siya. Sana iyan na nga iyon.
HATAWAN
ni Ed de Leon