SA wakas, nagkakalinaw na ang matagal na pangako ng pamahalaan na magwawakas na ang Marawi siege na ilang beses din namang naudlot. Pero ngayon, malinaw na malinaw na patapos na nga ang giyera dahil napatay na ang dalawang lider ng Maute group.
Inianunsiyo ni Defense Secretay Delfin Lorenzana na patay na si Islon Hapilon at Omar Maute, senyales na pawakas na ang gera, lalo pa’t isa-isa na rin nababawi ang hostages.
Ngayong patay na ang mga lider ng terror group, dapat sigurong pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang rehabilitasyon ng Marawi nang makapagsimula na rin kahit paunti-unti, ng bagong buhay ang mga apektadong mga taga-Marawi.
Mahalagang unahin ng pamahalaan kung paano bibigyan ng bagong kabuhayan ang buhay at kabuhayan ng bawat pamilyang nasira ng giyera; ang mga batang nasira ang kabataan dahil sa matinding gulo; ang mga ina at ama na nawalan ng mga anak sa giyera at mga anak na nawalan ng magulang.
Isa rin dapat ikonsidera ng pamahalaan ay kung dapat na bang wakasan ang martial law sa Mindanao para makausad nang husto mula sa dilim dulot ng giyera sa Marawi at iba pang lugar sa Mindanao.