Monday , December 23 2024

Disbarment at kasong perjury vs Carandang

DAPAT nang lumayas sa puwesto itong si Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang, sa lalong madaling panahon, matapos umamin sa kanyang mga kasinungalingan laban kay Pang. Rodrigo “Digong” Duterte.

Maliwanag na imbento lang pala ng damuhong si Carandang ang bilyong pisong deposito sa banko ni Pangulong Digong matapos pabulaanan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na galing sa kanila ang umano’y bank records na nakapaloob sa inihaing kaso laban sa Pangulo sa Ombudsman.

Sabi ng AMLC, “We have categorically stated before that the AMLC is not the source of the documents and information attached by Senator Antonio F. Trillanes IV in his Complaint, regarding the alleged bank accounts of President Rodrigo Duterte.”

Matatandaan sa isa niyang talumpati, si Pang. Digong pa nga mismo ang kumastigo sa AMLC kung bakit hindi nag-imbestiga sa mga pinakawalang alegasyon ni Trillanes sa bank records ng pangulo bago ang halalan noong 2016.

Ngayong ibinuko ng AMLC na wala silang ibinibigay na anomang dokumento at bank records sa Ombudsman ay biglang kumambiyo si Carandang at sinabing sa mga miyembro ng media na nag-interview sa kanya nakita ang dokumento.

Hindi ba’t ang dapat ginawa ni Carandang ay ginamit ang kapangyarihan ng Ombudsman na utusan ang AMLC na maglabas ng orihinal na kopya ng sinasabing bank records para ikompara sa ‘dokumentong’ ipinakita sa kanya ng media?

Nabuko tuloy ang masamang motibo ni Carandang.

Hindi ba maliwanag na ‘perjury’ ang tawag diyan at puwedeng basehan ng disbarment case laban kay Carandang na isang abogado, bukod pa sa patong-patong na kasong kriminal na puwede niyang kaharapin?

DEMOLITION JOB

SA pagkakaalam natin, si Carandang ay itinalaga ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III bilang pangalawa sa pinakamataas na opisyal sa Ombudsman kapalit ng nagretirong si Orlando Casimiro noong 2013.

Unang naitalaga si Carandang bilang Assistant Ombudsman sa panahon ni dating Ombudsman Simeon Marcelo at nai-reappoint sa nasabing puwesto nang umupo si Ombudsman Conchita Carpio-Morales.

Siya ay kamag-anak umano ni dating Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO) Secretary Ricky Carandang na kilalang malapit na ‘bata’ ni PNoy.

Pero umalis daw si Carandang sa Ombudsman nang italaga ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Merceditas Gutierrez sa nasabing puwesto pero muling nakabalik sa Ombudsman bilang consultant ni Morales mula noong 2011.

Hindi ba demolition job ang tawag diyan?

JINGGOY,
NAGBABANGON-PURI

SINASAMANTALA ni dating senador Jinggoy Estrada ang banggaan sa pagitan ni Pang. Digong at ng Ombudsman para magbangon-puri.

Kahit hindi naman siya kasali sa bakbakan ay isinisingit ni Jinggoy ang kanyang sarili para mapalabas na inosente sa kasong pandarambong at pagbulsa ng P183-million kickback sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) na pork barrel.

Inaakusahan ni Jinggoy ang Ombudsman na kesyo tinangka raw siyang kikilan para sa halip na walang piyansang plunder ay pumatak sa mas mababang kaso ang isasampa laban sa kanya.

Maniniwala na sana tayo kung sinabi lang ni Jinggoy na ang tangkang pangingikil sa kanya ay kapalit sana ng pagbasura sa plunder at 11 pang kasong graft laban sa kanya.

Kung talagang hindi imbento at kathang isip lang ang kanyang sinasabi ay tiyak na matagal nang ibinulgar ni Jinggoy ang kanyang kuwentong-kutsero na nabasa na natin sa komiks kaya hindi na bebenta.

Matatandaang sa tindi ng kanyang hinagpis noong idinidiin na sila sa PDAF scam, ibinulgar ni Jinggoy sa kanyang privilege speech sa Senado ang P50-M suhol na pork barrel sa mga senador kapalit ng kanilang boto na mapatalsik si yumaong dating Supreme Court chief justice Renato Corona sa puwesto.

Katumbas lamang na ibig sabihin ay inamin ni Jinggoy na bilang mga hukom sa impeachment trial ni Corona ay ibinenta nila ang kanilang hatol na boto kapalit ng pork barrel, kesehodang baluktutin ang batas at katarungan.

Sabi nga, “Tell it to the Marines!”

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *