PINURI ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa patuloy na paglaban sa ilegal na sugal kahit walang natatanggap na bahagi mula sa kita ng Small Town Lottery (STL) ng gobyerno.
Sinabi ni PCSO Chairman Jose Jorge Corpuz, kamakailan ay nagsagawa ang NBI Central Visayas ng operasyon laban sa anim na estasyon na pasugalan ng ilegal na ‘Peryahan ng Bayan’ sa Cebu at Mandaue City na dinakip ang anim na collectors at maintainers.
“The PCSO would like to congratulate NBI Central Visayas Regional Office over the arrest of six collectors and maintainers of the Peryahan ng Bayan in Central Visayas,” ani Corpuz.
Ayon kay Corpuz, ang tagumpay ng operasyon ng NBI ay mahalaga at inspiring na pag-unlad alinsunod sa Executive Order No. 13 ng Pangulong Rodrigo Duterte, na nagpapalawak sa paglaban ng pamahalaan laban sa ilegal na sugal sa bansa.
“We also appreciate the prompt action taken on the request of our AAC in Cebu to abate the illegal operations of Peryahan ng Bayan in the same area,” pahayag ni Corpuz.
Dagdag niya, ang anim na naaresto ay mga empleyado ng Globaltech Mobile Online Corp.
Ang pag-aresto ay isinagawa pagkatapos magreklamo sa NBI Central Visayas Regional Office ang First Golden Fortune Leisure Inc., at ang Saturn Gaming N ‘Amusement Corporation, parehong Authorized Agent Corporations (AACs) ng PCSO, sa patuloy na operasyon ng ilegal na Peryahan ng Bayan at itinabi sa kanilang lehitimong STL sub-stations.
“They are claiming they have PCSO approval when the authorization has already been terminated because of their refusal to remit revenues to the government,” giit ni Corpuz.
Sinabi ni Corpuz, patuloy ang operasyon Peryahan ng Bayan sa ilang lugar sa Central Visayas kahit tinapos na ng PCSO ang Deed of Authority (DOA) noong nakaraang taon dahil sa kanilang paulit-ulit na pagtanggi na sumunod sa mga tuntunin ng DOA.
Sinabi ni PCSO General Manager Alexander Balutan, pinahintulutan ng PCSO ang mga bagong manlalaro ng STL upang madagdagan ang pondo ng gobyerno para sa mga kawanggawa at serbisyo ng ahensiya, ngunit apektado ang kita ng kanilang mga AAC at nagdurusa dahil sa patuloy na operasyon ng ilegal na sugal, tulad ng Peryahan ng Bayan.
“After 1 year in the PCSO, we now know Illegal gambling can be stopped, but the Philippine National Police should do their job, especially since they have a share in the revenues of the PCSO,” ani Balutan.
Sinabi ni Balutan, nakakukuha ang PNP ng 2.5 porsiyento bahagi mula sa kita ng PCSO partikular sa kita ng STL ngunit hindi pa sila nakaaaresto ng ‘bigtime operations’ sa ilegal na sugal.
Hindi umano gaya ng NBI na walang bahagi mula sa mga kita ng STL.
Ayon kay NBI Regional Office Acting Regional Director Patricio Bernales Jr., nagsampa na sila ng kaso sa anim na naaresto na pawang empleyado ng Globaltech dahil sa paglabag sa Presidential Decree 1602 kaugnay sa Republic Act 9287.
“We appreciate the continued assistance and coordination of NBI with the agency, although it does not receive a single centavo from STL. Please continue your crackdown against illegal gambling,” dagdag ni Balutan.