BUKAS na ang mas pinaganda, pinalaki, at bagong Snow World sa Star City.
Sa pagkakataong ito, itinatampok sa Snow World ang Animal Kingdom on Ice. Makikita rito ang malalaki at magagandang isda sa karagatan, ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga hayop sa mga kagubatan na lahat ay nakaukit sa yelo.
Iyan ay gawa ng mga iskultor na Filipino na ngayon ay kinikilala na bilang isa sa pinakamahuhusay sa buong mundo pagdating sa ice sculpture.
Kahanga-hanga para sa mga iskultor mula sa isang bansa na wala namang yelo, pero nasanay na sila sa 10 taon ng Snow World, na taon-taon ay hinahangaan ng mga nagtutungo roon. Hindi lang ang magagandang ice carvings, ang Snow World lamang ang kaisa-isang tunay na snow attraction sa buong bansa sa ngayon, at nag-iisa nang indoor snow attraction sa buong Asya. Rito lamang winter ng buong isang taon.
Sa pagkakataong ito, hindi lamang ang ipinagmamalaking pinakamahabang man made ice slide ang nasa Snow World, mayroon na ring bagong “kiddie safe ice slide”, para mapagbigyan ang mga batang hindi pinapayagan sa giant ice slide.
Mas pinalaki rin ang ‘snow play area” na makapaglalaro kayo mismo sa snow. Doon mararanasan ninyo ang lagi nating pinapangarap na “White Christmas” araw-araw sa buong isang taon.
Ang Snow World ay bukas araw-araw mula 4:00 p.m. kung weekdays at mula 2:00 p.m. kung weekends. Ito ay nananatiling number one attraction sa pinakasikat na theme park ngayon sa bansa, ang Star City.
Ang pagdalaw sa Snow World ay isang pambihirang karanasan na roon lamang ninyo masasaksihan sa buong Pilipinas.