MAY isang “insider” na nagkuwento sa amin. Inuulit namin ha, kuwento ito ng isang insider.
Ayaw na raw sana ni Nora Aunor na tanggapin iyang ibibigay sa kanyang Ginuntuang Bituin award ng PMPC kasi para nga namang alanganin iyan. Iyan ding PMPC mismo sa kanilang Star Awards ay nagkakaloob na sa ibang mga artista ng Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Award. Kung mayroon na nga namang isang lifetime achievement award na ipinangalan sa iyo, na ibinibigay ng pareho ring award giving body, bakit ka pa bibigyan ng isang lifetime achievement award?
Pero talagang pinakiusapan si Nora na tanggapin na iyon. ”Alam mo naman ang mga Noranian na member ng PMPC, hindi sila papayag na si Vilma lang ang ginintuang bituin,” sabi ng insider sa amin na medyo natatawa rin sa mga pangyayari. Pero sa totoo lang, kami hindi namin napapansin iyon. Hindi kami aware na mayroon palang lifetime achievement award na ipinangalan nila kay Nora. Pero ngayong nalaman namin, ang tingin nga namin ay wala sa ayos iyong tawagin pa siyang Ginintuang Bituin. Hindi masasabing dahil nag-golden anniversary na siya bilang isang artista, dahil ano ang ikakatwiran ninyo kung tanungin kayo bakit hindi considered para sa ganyang karangalan halimbawa si Gloria Romero, na naging movie queen, na ilang ulit na ring nakakuha ng award bilang aktres? Binigyan ng lifetime achievement award ng Gawad Urian, Film Academy of the Philippines, atFAMAS. At sa susunod na taon ay magdiriwang na ng kanyang Platinum Year, ibig sabihin 70 years in the profession tapos hindi maihahanay kina Nora at Vilma?
Pero ang usapan nga, ano ba ang mas malaking karangalan, iyong nagbibigay ka ng award sa pangalan mo, o iyong tatanggap ka pa ng award na kagaya lang naman ang karangalan niyong ipinamimigay mo?
Mukha ngang dapat iyang pag-isipan maski ng sinasabing mga Noranian sa PMPC.
MAGNA CARTA
OF MOVIE WORKERS,
MAIPATUTUPAD
NA KAYA?
MAY sinasabi na naman silang “magna carta of movie workers”. Isasabatas iyan na maglalagay sa ayos sa mga karapatan ng mga manggagawa sa pelikula. Pero ilang magna carta for movie workers na ba ang nagawa in the past? Ipinaglaban na rin iyan noon ni Atty. Espiridion Laxa. Tinrabaho nang husto ni Rudy Fernandezang karapatan ng mga artista noong presidente siya ng KAPPT. Inisip din iyan niKuya Germs Moreno. May panahong isinulong din iyan ni direk Joel Lamangan, at maging ni Mayor Richard Gomez. Pero may nangyari ba?
Kaya nga iyong mga beterano na sa industriya, hindi lang “wait and see” ang sagot nila sa ipinapanukala na namang magna carta na iyan. Ang reaksiyon ng marami,”wala rin iyan.” Lalo nga kung ang mga nagpapakulo niyan ay mga baguhan lamang at hindi alam ang mga tunay na problema sa industriya ng pelikula at ang tanging karanasan ay gumawa ng mga pelikulang indie.
HATAWAN
ni Ed de Leon