PUMATOK sa takilya ang 100 Tula Para Kay Stella na tinampukan nina Bela Padilla at JC Santos. Ang bagong obra ni Direk Jason Paul Laxamana ang top grosser sa PPP. Base sa kanyang Twitter post, sa loob ng 6 days (Aug. 16 to 21), ang kanilang pelikula ay kumita na ng 80 milyon pesos. Sa pagtatapos ng PPP kahapon, tiyak na mas lumobo pa ang kita nito.
Ito rin ang nagwagi ng Audience Choice Award.
Ano ang reaksiyon ni Direk Jason Paul sa pagpatok ng kanyang pelikula? “Masaya po siyempre, kasi ibig sabihin niyon ay maraming tumatangkilik ng aming pelikula. Iyon naman po talaga ang goal natin bilang filmmaker — ang panoorin ang gawa natin.
“Masaya ako na maraming naka-appreciate kasi personal po itong film na ito sa akin dahil nga loosely based ito sa college life ko.”
Ayon pa sa kanya, hindi nila expected ito. “Hindi po namin in-expect, maging ang Viva. Kasi nga po hindi siya yung RomCom na nakasanayan ng marami (mas dark at melancholic po yung atake). Plus, hindi rin love team sina JC at Bela, at pareho po silang hindi pa kilala as box office star talaga.”
Sa palagay mo Direk, ang PPP na kaya ang first step para mas ma-introduce talaga sa audience ang indie at mas ma-appreciate ito ng marami? Kasi, nationwide ito, plus, para mabigyan ng venue ang mga matitinong pelikula na hindi halos maipalabas sa regular run?
Esplika niya, “Opo, maganda ang hangarin ng PPP. Two-way po para sa akin. matutuhan ng audience ang tungkol sa indie films at matutuhan ng filmmakers kung ano ang pulso ng mga nakararaming manonood.”
Sa nangyayari ngayon na may Cinelokal, Cinemalaya, at PPP, good signs kaya ito para magbalik ang sinasabing Golden era ng Philippine cinema? “Maganda po yung maraming festivals, pero mas promising sa akin yung idea na mas marami nang filmmakers/producers ang nag-aaral ng distribution at marketing. Yun po kasi ang kulang sa indie films. Kahit gaano karaming films ang gawin natin, kung hindi nadi-distribute at nama-market nang maayos, wala ring tatangkilik,” aniya pa.
ALAM MO NA! – Nonie v. Nicasio