Ang Pangulo ng MPDPC na si Mer Layson habang nagpapakain ng 200 street children at 100 preso sa isinagawa 2nd MPDPC Feeding mission kahapon.
KABUUANG 200 batang lansangan at 100 preso sa Integrated Jail ng Manila Police District (MPD) ang pinakain, binusog at naging benepisyado ng isinagawang ikalawang feeding mission ng mga mamamahayag sa Manila Police District Press Corps (MPDPC) sa MPD headquarters, United Nations Avenue, Ermita, Manila kahapon ng umaga.
Inilunsad ng mga mamamahayag na opisyal at miyembro ng MPDPC ang naturang programa, na isinasagawa dakong 8:00 am, sa pangunguna ng pangulo na si Mer Layson at iba pang mga opisyal at miyembro na nagtulong-tulong upang maging matagumpay ang programa.
Layunin nitong maipakita, hindi lamang ang paghahatid ng sariwang impormasyon at balita ang kayang gawin ng mga mamamaha-yag bagkus ay maaari rin silang makatulong sa mga maralita o kapos-palad na nangangailangan.
Bukod sa masarap na arrozcaldo, namigay ng 1,000 itlog ang MPDPC, mula sa kabutihang-loob ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Rep. Rico Geron; may 250 soya products mula sa KKK Enterprise, cupcakes, tinapay at juice na donasyon naman nina MPDPC Treasurer Jonah Mallari, ex-president Bening Batuigas, Jen Calimon at MPDPC Directors Jun Mabanag at Brian Bilasano at mga gamot sa ubo, mula sa kabutihang loob ni Jerry Yap, national chairman ng Alab ng Mamamahayag (ALAM).
Layunin ng mga opisyal at miyembro ng MPDPC na makatulong laban sa mga ‘panghihimasok’ sa bansa sa pamamagitan ng pagkain ng mga poultry products, sa gitna ng pagkakaroon ng avian influenza o bird flu virus sa dalawang barangay sa San Luis, Pampanga at dalawang bayan sa Nueva Ecija.