SA pinakahuling survey ng Pulse Asia survey, lumabas sa resulta nito noong Hunyo na 82 porsiyento ang approval rating ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, nagpapatunay na most appreciated na opisyal ng gobyerno sa panahong ito.
Tugma naman din ito sa survey na naunang inilabas ng Social Weather Station na siya ay nakakuha pa rin ng “excellent” na grado.
Isa lang ang kahulugan nito, nananatiling tiwala ang mamamayan sa kung anong ginagawa at hindi ginagawa ni Duterte, kahit pa sabihin na kaliwa’t kanan ang pagbatikos sa kanya ng kanyang mga kalaban at kahit napakaraming problema ang sinusuong ng kanyang administrasyon at hindi pa tuluyang nasosolusyonan.
Ilan sa mga bagay na posibleng inaayunan ng mamamayan kay Duterte, at kung bakit napakataas pa rin ng grado na kanilang ibinibigay sa kanya, ang pagiging totong tao niya. Wala siyang pakialam sa kung anong sasabihin ng iba, basta ang mahalaga sa kanya ay kung paano niya pagsisilbihan ang kanyang mga kababayan sa paraan na alam niya.
Nakita rin marahil ng mamamayan ang determinasyon niya sa pagsugpo sa ilegal na droga kung kaya’t mas ligtas na ngayon ang mga lansangan kaysa noong mga nakaraang taon. At isa pa sa tinatanguan ng mamamayan ay hindi nangingiming manibak ng tao si Duterte kahit sabihin pang sila ay malalapit niyang mga kaibigan.
Kung tuluyan pang pagtutuunan ng pangulo ang pagtupad sa mga pangako niya sa taong bayan noong panahon ng eleksiyon gaya ng pagwawakas sa contractualization at iba pang isyu na malapit sa bituka ng maliliit na mamamayan, mananatiling mataas ang kanyang grado at patuloy na pagkakatiwalaan ng bayan.