Monday , December 23 2024

Maraming Manileño ang nakapagtapos dahil kay Mayor Lim

00 Kalampag percySI Ramil Comendador, ang 35 anyos na dating janitor at legal researcher sa Commission on Elections (Comelec), ay kabilang sa mga nakapasa sa 2016 bar examination at isa na ngayong ganap na abogado.

Kahit pamilyado at may trabaho ay sinikap ni Comendador na isabay ang pag-aaral at hindi siya nabigo na makapagtapos ng kursong abogasya sa Unibersidad de Manila (UDM).

Pero si Comendador ay isa lamang sa marami na may kahanga-hangang tagumpay na dahil sa sikap ay nakatapos ng pag-aaral sa UDM.

Hindi na mabibilang ang mahihirap at produkto ng UDM na nagkaroon ng magandang kapalaran na hindi nga lamang naibabahagi sa publiko ang kuwento ng kanilang tagumpay.

At kung mayroong dapat kasamang magunita ang mga magulang at anak na nakinabang ng edukasyon sa UDM, partikular ang mga lehitimong Manileño, ay walang iba kundi ang idolo nating si Mayor Alfredo Lim na nagpanukala at nagtatag ng libreng kolehiyo na hiwalay sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.

Ang tinatawag na UDM ngayon ay dating City College of Manila (CCM) na ipinatayo ni Mayor Lim at binuksan noong 1995 para sa libreng edukasyon ng mahihirap na Manileño na walang kakayahang tustusan ang pag-aaral ng mga anak sa kolehiyo.

Matatandaan na kinontra pa noon ng Konseho ang balak na pagpapatayo ni Mayor Lim ng isa pang kolehiyo na hiwalay sa PLM na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod.

Katuwiran ni Mayor Lim, kahit ang average students na hindi makapasa sa mataas na kalidad at pamantayan ng PLM ay may karapatan din sa libreng edukasyon para makapagtapos ng pag-aaral at maabot ang kanilang mga pangarap.

Laging sinasalamin ni Mayor Lim sa mahihirap na kabataan ang kanyang sarili at ang kanyang naging kasaysayan bago nakapagtapos ng pag-aaral at maabot ang mga pangarap.

Malimit ipangaral ni Mayor Lim sa mga kabataan ang pagpapahalaga sa edukasyon na aniya’y susi para lumaya at mahango ang isang tao sa kahirapan.

Isang bukas na aklat ang kasaysayan ng buhay ni Mayor Lim at ang kanyang mga pinagdaanan, mula pagkabata ay natutong tumayo sa sariling mga paa dahil sa pagiging ulila at walang magulang na kinagisnan.

Unang nagsilbing campus ng CCM noong 1995 ang 12-palapag na PNB Bldg. sa Escolta, Sta. Cruz na binili ng lungsod at mahigit sa 2,000 estudyante ang nakapag-aral.

Hindi matatawaran ang kanyang tunay na pagpapahalaga sa edukasyon kaya marami pang paaralan para sa elementarya at high school ang naipatayo ni Mayor Lim nang makabalik siyang alkalde mula 2007 hanggang 2013.

Nakikisakay naman si ousted president at convicted plunderer Joseph ‘Buang’ Estrada sa tagumpay ni Comendador na ginamit sa pubilisidad para masabing may pagpapahalaga siya sa edukasyon kahit wala.

Katunayan, kahit isang poste ng paaralan ay walang maipagmalaking naipatayo si Erap Buang para maging katulad niya ang maraming Manileño na walang natapos.

GINA LOPEZ, BIKTIMA
NG ‘CABAL’ SA SENADO

NAGKAKABUHOL-BUHOL ang dila ng mga mambabatas na miyembro ng makapangyarihan Commission on Appointments (CA) na bumoto laban sa nominasyon ni Ms. Gina Lopez bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Hindi magkandatuto si Sen. Alan Peter Cayetano kung paano idedepensa ang sarili sa malaking kahihiyan matapos sabihin ni Pang. Rodrigo R. Duterte na “Lobby money talks” kaya hindi lumusot si Ms. Lopez sa CA.

Desmayado at nanghihinayang si Pres. Digong pero kaisa niya ang publiko sa paniwala na sadyang limpak-limpak ang halagang bumuhos mula sa mga grupong apektado ng mga isinulong na reporma ni Ms. Lopez sa DENR para ipagmalasakit ang kapakanan ng bansa at interest ng mamamayan.

Wala ni isa o anomang malinaw na probisyon sa Saligang Batas na mabanggit si Cayetano at mga kasamang miyembro ng CA na nilabag si Ms. Lopez.

Ang maliwanag, si Ms. Lopez ay biktima ng kung tawagin sa wikang Ingles ay “cabal” sa Kamara at Senado.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *