AABOT sa isang milyon mag-aaral sa kolehiyo at vocational school ang magsisipagtapos ngayong school year na 2016-2017.
Isa lang ang ibig sabihin nito: madaragdagan na naman ang malaking bilang ng mga tambay sa kanto at pasanin ng kanilang mga magulang kahit mga nagsipagtapos pa sa kolehiyo. At hindi nakapagtataka na may ilan sa bilang ng mga tambay ang mauuwi sa barkada na kinalaunan ay maging sanhi pa ng mga gulo o krimen.
‘Yung iba naman na ayaw maging pabigat sa mga magulang, kakagatin ang trabaho kahit hindi ito ang kanilang linya o pagkalayo-layo sa kursong kanilang tinapos, basta masabing may trabaho. Kaya ang kadalasang kahihinatnan nito ay underemployment.
Matagal nang problema ito ng pamahalaan pagdating sa usapin ng paggawa. Patuloy ang pagtaas ng bilang ng unemployment at underemployment. Ang mga kadahilanan kung bakit patuloy na tumataas ito ay dahil sa sinasabing job-skill mismatch, bukod pa sa problema na mababang pasahod, contractual scheme at hindi ligtas na trabaho.
Ito ang dapat pagtuunan ng pansin ngayon ng pamahalaan. Hindi dapat ituon lamang ng administrasyon ni Rodrigo “Digong” Duterte sa paglaban sa krimen at droga, kundi trabaho rin na kung tutuusin ay siya ring dahilan kung bakit tumataas ang bilang ng krimen.