KINILALA at ginawaran ng iba’t ibang parangal si Coach Arra Jeuneze Corpuz, founder ng Wushu Arena Philippines at Arena Fitness Dojo, dahil sa pagsusulong ng adbokasiyang bigyang-pagkakataon ang persons with disabilities (PWDs) at senior citizens na makilahok sa combat sports tulad ng Traditional Wushu, Kung Fu at Aikido.
Kabilang sa mga natanggap niyang pagkilala ang Circle of Excellence Awardee for Young Leader of the Year ng Asia CEO Awards, Global Women of Influence Awards at CSR Youth Awards. Kabilang din siya sa mga kinilala ng Zero Project.
Sa ilalim ng kanyang prinsipyong “Movement is for Every Body,” layunin ni Corpuz na mabigyan ng pagkakataon ang bawat Pilipino, anuman ang edad, kakayahan at pinagmulan, na matuto ng angkop na sports para sa aktibong pamumuhay at makasali sa mga pandaigdigang kompetisyon.
“Dahil sa aming social enterprise, medyo nakilala ako sa iba’t ibang award-giving bodies and forums dahil sa pagtulong sa mga PWDs at ang reach na rin towards different ages,” pahayag ni Corpuz sa lingguhang Tabloid Organization in the Philippine Sports, Inc. (TOPS) Usapang Sports Forum. sa PSC Conference room sa RMSC sa Malate, Maynila.
Hindi lamang mga pagkilala ang bunga ng kanilang pagsisikap matapos makasungkit ng 36 medalya ang kanyang grupo sa IKUF International Traditional Wushu Championship na isinagawa online.
Nakasungkit din sila ng 30 medalya sa isang kompetisyon sa Hong Kong ngayong taon, patunay sa patuloy na pag-unlad ng kanilang mga estudyante.
“This year, nag-Hong Kong kami at na-received ng 30 medals at ang pinaka-latest sa IKUF, 36 medals. International competition na ginawa online. They come a long way at humakot ulit ng mga medalya ang mga bata,” kuwento niya.
Ipinagmamalaki rin ni Corpuz ang malaking pagbabago sa kanyang mga estudyante na dati’y iilan lamang ang kayang gawin na routines ngunit ngayon ay nakapagtuturo na rin sa mga bagong miyembro.
Bilang isang taong may ADHD, (Attention Deficit Hyperactivity Disorder) naniniwala rin si Corpuz sa kakayahan ng traditional wushu na makatulong sa kalusugan at mapanatiling aktibo ang isang tao hanggang pagtanda.
“Since traditional wushu is a life-long learning. Pati 80 years old, lumalaban pa at ang Tai Chi, ginagawa everyday. Itong Wushu ay makakatulong sa health and wellness. As they grow up, mas malaki ang matutunan nila balang araw. This is a good sport for longevity,” aniya.
Ang TOPS forum ay suportado ng Philippine Sports Commission, Pocari Sweat at Behrouz Persian Cuisine.
Patuloy namang nagsasagawa ng mga training clinic ang Wushu Arena Philippines sa Fisher Mall, Quezon City at iba pang lugar sa Metro Manila upang mabigyan ng pagkakataon ang mas maraming Pilipino na matuto ng traditional wushu.
