SIARGAO — Hindi lamang pagkakataong makasagupa ang mga pinakamahusay na surfer sa mundo ang nais ibigay ng World Surf League (WSL) sa mga atletang Pilipino kundi maging daan para mapaunlad ang surfing sa bansa at maihanda ang susunod na henerasyon ng mga lokal na talento.
Ayon kay WSL President Andrew Stark, mahalagang bahagi ng pagdadala sa Championship Tour sa Cloud 9 ang mabigyan ng pagkakataon ang mga batang Pinoy surfer na masaksihan at matutuhan ang antas ng kompetisyon sa pandaigdigang entablado.
Nakipagtulungan ang WSL sa Philippine Sports Commission (PSC), sa pangunguna ni Chairman Patrick “Pato” Gregorio, upang maisagawa ang Philippines Pro sa Siargao at dalhin sa unang pagkakataon sa bansa ang prestihiyosong Championship Tour.
Nagpasalamat si Stark sa suporta ng PSC at mainit na pagtanggap ng komunidad sa Siargao.
Bahagi rin ng programa ang Rising Tides kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga kabataang surfer na makasabay sa mga propesyonal na atleta, makilala ang mga kalahok at matuto mula sa kanilang karanasan.
Nakipagtulungan din ang WSL sa Siargao Island Surfing Association para sa board caddy program na nagbibigay sa mga junior surfer ng pagkakataong tumulong sa mga kompetidor at masaksihan nang malapitan ang aksiyon.
Pinuri rin ni Stark ang ipinakitang galing ng mga Pinoy wildcard na sina John Mark “Marama” Tokong, Jayuard Alciso, Noah Arkfeld at Mara Lopez sa pakikipagsabayan sa mga world champion at batikang international surfers.
Partikular na pinahanga siya ni Tokong na kabisado ang mga alon sa Cloud 9 at nagpakita ng kahanga-hangang kakayahan laban sa mga dayuhang karibal.
Bagama’t nagtapos ang kampanya ng mga Pinoy wildcard, malaking karanasan at exposure naman ang kanilang napala matapos maipalabas sa buong mundo ang kanilang mga laban sa pamamagitan ng WSL broadcast at digital platforms.
Naniniwala si Stark na makatutulong ang naturang exposure upang mas makilala ang mga lokal na surfer at mahikayat ang mas maraming kabataan na mangarap na makipagkompetensiya sa international level.
Malaki rin ang naging ambag ng Philippines Pro sa pagpapalakas ng turismo ng Siargao dahil naibabahagi ng mga kalahok sa kanilang social media accounts ang ganda ng isla, mga resort, restaurant at iba pang atraksyon nito.
Mahigit 50 milyon ang pinagsamang social media followers ng mga surfer sa Championship Tour, na nagbibigay ng malawak na promosyon sa Siargao at Pilipinas sa pandaigdigang audience.
Inihayag din ni Stark na pinag-aaralan ng WSL ang posibilidad na magtatag ng regional base sa Pilipinas upang masuportahan ang mga aktibidad nito sa Southeast Asia.
Kinumpirma na rin ng WSL ang pagbabalik ng Philippines Pro sa Cloud 9 sa 2027, na muling magbibigay ng pagkakataon sa mga Pinoy surfer na masukat ang kanilang kakayahan laban sa pinakamahusay sa mundo.
Kasabay nito, inaasahang magpapatuloy ang mga programang pangkaunlaran para sa mga batang surfer upang higit pang mapalawak ang talento at kinabukasan ng surfing sa bansa. (PSC/HNT)
