Madis-Aludo, umabante sa Asiad Tennis Doubles

Tenny Madis Stefi Aludo Tennis Doubles Asian Games

NAGOYA — Umabante sa Round of 16 sina Tenny Madis at Stefi Aludo matapos pataubin ang Indonesian tandem na sina Anjali Junarto at Meydiana Reinnamah, 6-3, 7-6 (4), sa women’s doubles ng 20th Asian Games.

Ipinakita ng Filipina duo ang mahusay na chemistry sa unang set at kontrolado ang laro para kunin ang 6-3 abante.

Sa second set, mabilis na nakalamang ang Madis-Aludo, 3-1, ngunit bumawi ang Indonesia at nagsunod-sunod ng apat na laro para maagaw ang kalamangan, 5-3.

Hindi natinag ang dalawang Pinay at nag-adjust sa kanilang estratehiya upang makahabol at itulak ang set sa tie-break. Doon nila tuluyang isinara ang laban para makuha ang panalo.

Ayon kay Aludo, kinailangan nilang baguhin ang kanilang taktika nang maging mas agresibo at mas maraming bola ang naipasok ng kanilang mga kalaban.

“Yung strategy namin is lobbing na lang talaga and then pasok sa net, then make a point,” ani Aludo sa POC Media.

Malaking dagdag-kumpiyansa ang panalo para kay Madis na nabigo sa women’s singles noong gabi bago ang kanilang doubles match.

“Iba po talaga yung feeling pag panalo at sobrang grateful po namin kasi ibang level na ’to para sa amin,” ani Madis, tubong M’lang, North Cotabato.

Nasa venue rin si Filipina tennis ace Alex Eala upang suportahan ang kanyang mga kasamahan, bagay na lalo umanong nagpalakas sa kanilang loob.

“Iba po talaga yung support pag nandiyan si Alex. At lahat ng mga team namin, nandun sa amin tapos nag-cheer. Iba po yung feeling tapos mas parang iba yung energy na yung support,” dagdag ni Madis.

Ayon sa magkakampi, malaking bagay ang kanilang komunikasyon at tiwala sa isa’t isa para makabangon sa second set.

“Lalaban kami. Yung mga strategy namin, kailangan talaga namin gamitin. At yung communication din po talaga yung keep-up ng panalo namin,” ani Aludo.

Sa Round of 16, haharapin nina Madis at Aludo ang fifth-seeded tandem nina Hao-ching Chan at Fang-hsien Wu ng Chinese Taipei.

Para sa susunod nilang laban, nais nilang dalhin ang karanasan mula sa kanilang unang laro at higit na panatilihin ang composure sa court.

“More on composure. Dapat po laging positive thoughts po talaga pag nandiyan ka sa on-court,” ani Madis. (POC Media Pool/HNT)