Alex Eala Asian Games

NAGOYA, Japan — Mabilis na pinabagsak ni top-seeded Alexandra Eala ng Pilipinas si Thailand’s Patcharin Cheapchandej, 6-1, 6-0, upang umabante sa quarterfinals ng women’s singles tennis sa 20th Asian Games nitong Lunes.

Ilang ulit na naantala ang laban dahil sa patuloy na pag-ulan sa Japan, na nagdulot din ng hindi magandang kondisyon sa outdoor courts. Dahil dito, inilipat ng mga organizer ang laban sa indoor Court C ng Higashiyama Park Tennis Center.

Sa kabila ng pagbabago sa iskedyul at venue, nanatiling kalmado at kontrolado ni Eala ang kanyang laro. Agad siyang nakalamang, 4-0, bago tuluyang makuha ang unang set, 6-1.

Nagpatuloy ang dominasyon ng Filipina netter sa ikalawang set at hindi na pinayagan si Cheapchandej na makakuha ng kahit isang game. Sa pamamagitan ng 6-0 panalo, tuluyang isinara ni Eala ang laban at nakamit ang puwesto sa quarterfinals.

Ipinakita ni Eala ang mahusay na depensa at consistent na pag-atake sa buong laban, sa kabila ng mga pagkaantala bago tuluyang maisagawa ang kanilang Round of 16 match.

Sa pagpasok sa quarterfinals, nagpapatuloy ang kampanya ni Eala para sa medalya ng Pilipinas sa tennis event ng Aichi-Nagoya 2026 Asian Games. (POC Media Pool/HNT)