SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
NAGULAT kami sa bagong look ni Wilbert Ross nang humarap sa entertainment press para sa The Guardian mediacon na isinagawa sa Viva Cafe.
Bagong gupit, naka-leather jacket, at maangas ang dating siguro’y dahil na rin sa kakaibang papel na gagampanan niya sa The Guardian na palabas na sa September 2. 2026.
Nanibago nga kami kay Wilbert pero hindi naitago ng aktor ang pagiging magiliw sa kanyang napakaraming fans na sumugod sa Viva Cafe para suportahan ang kanilang idolo. Bagay naman kay Wilbert ang astig look noong hapong iyon. Gwapo pa rin at malakas pa rin ang dating.
No wonder na mapa-telebisyon, concert, at pelikula talaga namang patok at pinagkakaguluhan si Wilbert.
Hindi nga raw kinakitaan ng pagod o pagkabagot ang aktor kahit napakarami ang nagpa-picture rito. Sweet pa ring nag-entertain si Wilbert. Nakipagkwentuhan pa ito sa kanyang fans at ilang oras din siyang nakasama ng mga ito.
Anyway, kapana-panabik ang pagsasama-sama ng mga Korean star at Filipino actors sa isang action spectacle ngayong September.
Ang pelikulang The Guardian na idinirehe ni Jeong Jang Hwan (kilala sa Steel Rain at Save the Green Planet!) ay pinagbibidahan ng K-pop idol at vocalist ng grupong Infinite na si Nam Woo-hyun, kasama si Park Eun-hye, isang sikat na Hallyu star mula sa epic drama series na Jewel in the Palace. Makakasama nila ang Filipino actors na sina Wilbert at Yassi Pressman.
Si Nam Woo-hyun ay gumaganap bilang si Do Jun, isang college dropout na mahusay sa Taekwondo. Mula pagkabata, pangarap niyang maging pambansang atleta sa Taekwondo at manalo ng mga medalya sa iba’t ibang kompetisyon. Ngunit isinakripisyo ni Do Jun ang pangarap na ito para makasama ang kanyang ina sa Pilipinas.
Si Park Eun-hye ay gumaganap bilang si Mi Jin, ang ina ni Do Jun na mag-isang nagpalaki sa kanya. Pinili niyang manirahan sa Pilipinas upang makaiwas sa panghuhusga ng kanyang mga kababayang Koreano dahil sa kanyang pagiging single mother.
Dahil sa pagsisikap, naging matagumpay na businesswoman si Mi Jin at sinubukang tulungan ang isang kaibigang may problema sa pagsusugal. Sa kasamaang-palad, nalulong din siya sa pagsusugal. Nanganganib nang mawala ang kanyang negosyo at tahanan, pero hindi pa roon nagtatapos ang mga pagsubok. Si Mi Jin ay biktima ngayon ng kidnapping ng grupo ni Cha Dong-cheol (ginampanan ni Han Jae Seok).
Sa kabila ng hindi maayos na relasyon nilang mag-ina, gagawin lahat ni Do Jun para iligtas si Mi Jin. Kailangan niyang kumilos ng mabilis dahil mayroon lamang siyang 48 na oras para gawin ito.
Bukod sa Pilipinas kinunan ang ilang mga eksena, binigyan din ng mahahalagang papel ang mga artistang Pinoy na nagtagumpay sa mga audition.
Si Wilbert, na ngayo’y nagdiriwang ng kanyang ika-10 taon bilang singer at actor, ay gumaganap bilang si Jason, isa sa mga komplikadong karakter sa pelikula. Isa itong pagpapatunay ng kanyang pagiging versatile artist.
Si Yassi ay gumaganap bilang si Sandara, isang empleado sa café na nangangarap maging K-pop star. Magiging malapit na magkaibigan siya ni Do Jun.
Si Ashtine Olviga ay gumaganap bilang isang K-pop auditionee.
Kabilang din sa pelikulang ito sina Eric Ejercito, Billy Villeta, Jacq Yu, Fatima, Yumi, Heart Ryan, Joko Diaz, Katya Santos, at Jeric Raval.
Maituturing na isang karangalan at tagumpay para sa mga artistang Filipino ang kolaborasyong ito sa mga Koreano sa action thriller na The Guardian. Huwag palampasin! Manood na sa mga sinehan simula Setyembre 2, 2026.
