Tiangco naghain ng panukalang magpapalaki ng take-home pay ng middle class

Toby Tiangco

ISINUMITE ni Navotas City Rep. Tobias “Toby” Tiangco ang House Bill No. 10451 na layong taasan ang taunang income tax exemption threshold mula P250,000 patungong P350,000 kasabay ng kaukulang pag-a-adjust ng income tax structure para mapanatiling progresibo ang income tax system ng bansa at matiyak na makikinabang ang lahat ng taxpayers sa iba’t ibang income levels mula sa panukalang reporma.

Ang panukala’y tugon sa State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.,na nanawagan sa Kongreso na pag-aralan ang tax relief measures para sa manggagawang Filipino sa gitna ng tumataas na cost of living.

“Sa panukalang batas, hindi na magbabayad ng income tax ang mga may annual taxable income na ₱350,000 pababa. Makikinabang din ang mga kumikita ng higit dito dahil maaari silang makatipid ng hanggang ₱15,000 sa buwis bawat taon. Katumbas ito ng dagdag na ₱1,250 sa kanilang buwanang kita na maaari nilang gamitin sa pagkain, pamasahe, kuryente, gamot, at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan,” ani Tiangco.

“Habang tumataas ang presyo ng pagkain, koryente, pamasahe at iba pang pangunahing pangangailangan, dapat ding sumabay ang ating tax system sa realidad ng buhay ng mga Filipino. Hindi lang tax exemption ang layunin ng batas na ito. Inaayos din natin ang tax schedule para maging mas patas sa lahat ng manggagawa, lalo na sa middle class na madalas naiipit—hindi sapat ang kita, hindi kwalipikado sa ayuda, pero lubos na apektado ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” dugtong pa niya.

Ayon kay Tiangco, mula nang magkabisa ang TRAIN Law noong 2018, hindi nababago ang kasalukuyang P250,000 tax-free threshold sa kabila ng ilang taong mataas na inflation na lubhang nagpababa sa purchasing power ng mga pamilyang Filipino. 

Nakasaad sa kanyang panukalang batas ang datos mula sa Philippine Statistics Authority na nagpapakitang malaki ang itinaas ng gastos sa pagkain, pabahay, koryente, transportasyon, at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan, kaya napapanahon at kinakailangan ang pag-aayos sa tax-exempt threshold.

Iginiit ng mambabatas mula Navotas na ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga manggagawa na mapanatili ang mas malaking bahagi ng kanilang kinikita ay hindi lamang magbibigay ng agarang ginhawa sa mga pamilya kundi makatutulong din sa ekonomiya.

Kapag mas malaki ang naiuuwi ng mga manggagawa, mas may kakayahan silang gumastos. Nakatutulong ito sa mga lokal na negosyo at nagpapalakas sa ekonomiya. Ito ang tax reform na direktang pakikinabangan ng ordinaryong Filipino,” ani Tiangco.

Idinagdag niya na ang panukala ay nakatuon sa pagbibigay ng ginhawa sa working middle class ng bansa, na unti-unting nababawasan ang disposable income dahil sa inflation.

“Our objective is simple: give hardworking Filipinos a fairer tax system that reflects today’s economic realities. This is one concrete way we can help families cope with rising costs while stimulating economic activity from the ground up,”paliwanag ni Tiangco.

Aamyendahan ng House Bill No. 10451 ang Section 24 ng National Internal Revenue Code sa pamamagitan ng pagtataas ng tax-exempt threshold sa P350,000 at pagsasaayos ng mga susunod na tax bracket upang mapanatili ang progresibong sistema ng income tax.