Barbie nagpaka-wild; Mika 2 beses naloko ng lalaki
WALANG kagatol-gatol na inilantad ni Mika Salamanca ang sarili ukol sa taong nanloko sa kanya.
Anang Kapuso actress sa grand mediacon ng Saving Cherry ng Regal Entertainment, dalawang beses na siyang nabiktima ng lalaking cheater.
Ang Saving Cherry ay pinagbibidahan ni Barbie Forteza with Khalil Ramos, Mikee Quintos, Sassa Gurl, AC Bonifacio, at JC Alcantara, mula sa direksyon ni Ivan Andrew Payawal.
Natanong ang cast members kung naniniwal sila sa second chance, lalo na kung may involved na cheating.
Diretsahang sagot ni Mika, “No! No talaga. Kasi, kapag nag-cheat talagang may lamat na, eh.
“Hindi mo na maibabalik ‘yung tiwala. And magsa-suffer lang ‘yung relationship. So, it’s a big NO!” giit ng aktres.
At sa tanong na craziest thing na nagawa nila pagdating sa pag-ibig, sagot ni Mika, “When I love kasi, I love hard. And one crazy thing I did for love is ‘yung iniwan ko…I surrendered my green card for (that person).
“And ‘yung isa pa, siguro I stayed din kahit nag-cheat siya ng dalawang beses! Doon sa bestfriend niya at saka roon sa ex niya!!!” pasigaw na pagbubuking ni Mika.
Samantala, aminado si Barbie na ang Saving Cherry ang maituturing niyang boldest at most mature role na nagawa.
Inamin din ni Barbie na ang pelikula ang nagtulak sa kanya na gawin ang mga bagay na hindi pa niya nagagawa noon.
“Oo, parang ganoon. Actually, mayroon kaming isang location na hindi aprub sa magulang ko. Ganoong level. Pero excited sila. They’re both very excited to see this dahil nga ibang-ibang Barbie ito.
“Alam ko rin naman na pelikula siya, at alam ko rin na gagastos ang manonood nito so, I made sure na, at least, hopefully, maging worth ‘yung ibabayad nila. Something na hindi pa nila nakita ever from me,” sambit ni Barbie.
Sinabi rin ni Barbie na hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin ang proyekto.
“Nag-yes po ako agad. This was pitched to me noong February 2025 sa office ng Regal with everyone actually.
“Na-overwhelm ako kasi ganoon ‘yung treatment at ganoon sila kaseryoso to have me on board. Doon pa lang, parang convinced na ako. Kapag ganoon ‘yung respeto sa ‘yo at ganoon ‘yung trato sa ‘yo ng mga katrabaho mo, bakit ka naman hihindi?
“Tapos nalaman ko pa na bagong materyal siya para sa akin.
“I’m excited for everyone to see it. Sa ilang projects ko, laging sinasabi na ibang Barbie. Pero ito, iba talaga.”
Ibang-iba nga ito dahil sabi nga ni Barbie sa paglalarawan niya kay Cherry: “The wildest virgin you would ever see.”
Mapapanood ang Saving Cherry sa mga sinehan sa September 2 handog ng Regal Entertainment. (Maricris Valdez)