Maayos na libing habilin ni Jobert kay Boy Abunda 

Boy Abunda Jobert Sucaldito

NAGING emosyonal si Boy Abunda habang ipinaliliwanag sa kanyang show,  Fast Talk With Boy Abundakung bakit nais ng namayapang veteran entertainment columnist na si Jobert Sucaldito na siya ang unang makaalam kapag ito’y namaalam na.

Ayon kay Tito Boy, may naipangako siya kay Jobert noong nabubuhay pa ito na may kaugnayan sa burol at libing.

“Totoo ho ‘yan, ipinaalam po nila sa akin kahapon na siya ay pumanaw na. It was very difficult,” simulang pahayag ni Kuya Boy sa kanyang show noong August 3.

“Ibibigay ko lamang po ang kontexto kung bakit gusto niyang ako ang unang makaalam dahil parati niyang sinasabi, ang tawag po sa akin niyon ay ser, ‘Ser, gusto ko, ‘pag ako ay pumanaw, maayos ang aking libing.’ At I promised to do that.”

Kaya naman sabi pa ni Kuya Boy, na nangako siya sa anak ni Jobert na si Carlo Brian Sucaldito na, “Bibigyan natin ng maayos na pamamaalam, maayos na libing ang iyong ama.”

“Kaya sa lahat ng pamilya at kay Carlo, kay Brian, kami ay taos-pusong nakikiramay,” wika pa ni Kuya Boy.

Sinabi rin ni Kuya Boy na malapit si Jobert at ang pamilya nito sa kanya, at sinabing mami-miss niya ang kanyang kaibigan.

“I cannot find a more loyal friend than Jobert. I will always remember him,” sabi pa ni Kuya Boy.

Sinabi pa ng King of Talk na batay sa kuwento ng anak ni Jobert na si Carlo, cardiac arrest ang sanhi ng pagkamatay ng beteranong kolumnista.

Bumagsak si Jobert habang nasa kanyang silid at tumama ang ulo. Natagpuan ito ng kasambahay na walang malay at agad na isinugod sa Philippine Heart Center, pero idineklarang dead on arrival.

Naospital si Jobert, ayon pa sa kuwento ni Kuya Boy, last month at nadiskubre ng mga doktor na barado ang dalawa niyang ugat sa puso.

Sinabihan daw ng mga doktor na ilagay sa intensive care unit si Jobert, subalit tumanggi ito sa katwirang kaya paniya. Gusto na lamang nitong umuwi sa kanilang bahay.

At noong Linggo, malungkot na ibinalita sa Facebook page ng online channel na Oras ng Opinyon Talakayan at Diskusyon (OOTD) na isa rin si Jobert sa host na pumanaw na ang entertainment columnist.