Bago ang ika-5 SONA ni Marcos Jr.
MGA MANGINGISDA SA 7 LALAWIGAN UMALMA VS BANTA SA KABUHAYAN
Dahil sa lumalalang krisis sa sektor ng pangisdaan

SONA BBM PANGISDA–Pilipinas

ni TEDDY BRUL

MAGKAKASABAY na iba’t ibang anyo ng mapayapang pagkilos ang isinagawa ng mga miyembro ng pitong provincial chapters ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Mangingisda (PANGISDA–Pilipinas) na nilahukan ng halos 300 kasapi mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang panawagan sa pamahalaan na agarang tugunan ang lumalalang krisis sa sektor ng pangisdaan at ang banta sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda.

Ayon kay Pablo Rosales, pangulo ng PANGISDA–Pilipinas, layunin ng synchronized actions na ihatid kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang panawagan ng sektor bago ang kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, 27 Hulyo 2026.

Aniya, inaasahan nilang mailalahad ng Pangulo ang konkretong mga hakbang upang tugunan ang lumalalang krisis sa pangisdaan at ang banta ng pagkawala ng kabuhayan ng libo-libong fisherfolk.

Sa Cavite, nagsagawa ng simbolikong paglalatag ng protest banner ang mga mangingisda sa baybayin ng Noveleta. Sinundan ito ng Forum on the State of Fisheries na ginanap sa binabahang covered court ng Alima sa Bacoor City.

Sa naturang forum, tinalakay ng mga lider ng mangingisda ang patuloy na demolisyon ng kanilang mga tahungan sa Manila Bay na iniuugnay nila sa isang ordinansa ng Sangguniang Panlungsod ng Cavite City na nagtatakda ng 15-kilometrong municipal waters.

Ayon sa kanila, nagdudulot ito ng overlapping sa katubigan ng Bacoor, Kawit, at maging ng Las Piñas City.

Sa Bulacan, nagmartsa ang may 30 mangingisda habang na may dalang mga banner at plakard at umikot sa ilang pamilihan ng isda. Nanawagan sila ng suporta mula sa publiko upang maprotektahan ang municipal fishing waters at ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda sa lalawigan.

Sa Bataan, nagsagawa rin ng magkakasabay na kilos-protesta ang mga mangingisda sa Mariveles, Orion, at Limay upang ipabatid sa publiko ang kanilang mga panawagan at makuha ang suporta para sa sektor ng pangisdaan.

Samantala, sa Zambales, nagsagawa ng boat parade ang mga mangingisda na umikot sa karagatan ng Masinloc, Palauig at Cabangan habang tangan ang mga plakard. Nanawagan sila ng mas matibay na pagtatanggol sa West Philippine Sea (WPS) at muling iginiit na ibasura ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), dahil ayon sa kanila, ang mga operasyong militar ay may epekto rin sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda.

Sa Lamon Bay, idinaos ang NAGSAKKA All Leaders Assembly na dinaluhan ng halos 75 lider-magsasaka mula sa Quezon at Laguna. Tampok sa pagtitipon ang talakayan tungkol sa kalagayan ng kababaihan sa kanayunan at isang simbolikong photo action na sumasalamin sa kanilang mga kinakaharap na suliranin.

Samantala, sa Tayabas Bay, Quezon, nagsagawa ng dramatiko at simbolikong protesta ang mga mangingisda gaya ng paglunog sa tubig hanggang leeg habang may hawak na mga plakard. Ipinahayag nila na tulad ng kanilang paglubog sa tubig, “lubog na rin sa kahirapan” at halos hindi na makahinga ang sektor ng pangisdaan dahil sa pagkawala ng kabuhayan at kakulangan ng sapat na suporta mula sa pamahalaan.

Ayon sa PANGISDA–Pilipinas, ipinakita ng sabayang pagkilos ang pagkakaisa ng mga mangingisda, magsasaka, at mga kababaihan sa kanayunan sa panawagang agarang tugunan ang lumalalang krisis sa pangisdaan at agrikultura.

Iginiit ng grupo na ang tunay na estado ng bansa ay makikita sa araw-araw na kalagayan ng mga sektor na nagsusulong ng seguridad sa pagkain at nangangalaga sa likas na yaman.

Binigyang-diin ng organisasyon na umaasa silang maririnig sa ika-limang SONA ni PBBM ang malinaw at konkretong mga programa upang maprotektahan ang municipal fishing waters, mapangalagaan ang Manila Bay at iba pang yamang-dagat, matiyak ang seguridad sa pagkain, at mapangalagaan ang karapatan at kabuhayan ng maliliit na mangingisda, magsasaka at mga komunidad sa kanayunan.