UST winalis ang torneo; sinilat ang CSB para sa unang korona sa Shakey’s Collegiate Invitationals

UST CSB Shakeys Collegiate Invitationals

IGINAWAD sa University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses ang kampeonato, habang nasungkit ng De La Salle College of Saint Benilde Lady Blazers ang silver medal at ng Colegio de San Juan de Letran Lady Knights ang bronze medal sa 2026 Shakey's Super League Collegiate National Invitationals. (HENRY TALAN VARGAS)

SAN JUAN CITY— Mula sa mabagal na simula, bumangon ang University of Santo Tomas (UST) at pinakawalan ang matinding opensiba upang pabagsakin ang College of Saint Benilde (CSB), 22-25, 25-8, 25-12, 25-22, sa winner-take-all championship ng 2026 Shakey’s Collegiate National Invitationals nitong Linggo sa Playtime FilOil Arena.

Matapos mabigo sa unang set, agad na nakabawi ang Golden Tigresses sa pamamagitan ng dominasyon sa ikalawang yugto hanggang tuluyang maitarak ang pitong sunod na panalo at makumpleto ang walang bahid na kampanya sa torneo.

Pinangunahan nina beteranang Regina Jurado at Most Valuable Player Angge Poyos ang UST sa pagsungkit ng kauna-unahang kampeonato matapos lamang magtapos sa ikatlong puwesto sa inaugural edition ng torneo tatlong taon na ang nakalipas.

Humataw si Jurado ng 21 puntos mula sa 18 attacks at dalawang service aces, habang nag-ambag si Poyos ng 20 puntos mula sa 16 attacks, dalawang aces at dalawang blocks. Naging matatag din ang depensa ng Tigresses sa net matapos makapagtala ng 14 kill blocks.

Sinubukan pang lumaban ng Lady Blazers sa ikaapat na set at naibaba ang agwat sa 22-20 matapos ang attack error ni Kim Rubin. Gayunman, sumagot ang UST ng 3-1 ratsada upang tuluyang tapusin ang laban sa loob ng isang oras at 55 minuto.

“Sinabi ko sa kanila na kalimutan na lang muna nila ‘yung nangyari sa first set. Kilala ko naman sila maglaro. Alam naman namin kung ano ang kaya nilang gawin basta doon lang sila mag-focus sa investment namin. May in-adjust lang kami ng kaunti sa team kaya naa-adapt na ang sistema. Good start ito,” ani UST head coach Shaq Delos Santos.

“Sobrang happy kasi alam naman namin na malayo pa ang preparation namin. Marami pa kaming kailangang trabahuhin. Magandang senyales ito na nakakuha kami agad ng championship. Ito ang paghuhugutan namin para mas pagbutihin pa ang ensayo pagdating ng UAAP,” dagdag niya.

Nag-ambag din si rookie Kim Rubin ng 12 puntos, habang nagtala si Blessing Unekwe ng 10 puntos, tampok ang pitong kill blocks.

Bago ang finals, winalis ng UST ang limang laro sa eliminasyon, kabilang ang apat na set na panalo laban sa CSB, bago pinatalsik ang Letran sa Final Four.

Ang torneo,ay tinaguyod ng mga technical partner na Philippine Sports Commission (PSC), Commission on Higher Education (CHED), Mikasa, Asics, Rigour Technology, at Team Rebel Sports, ay maaaring mapanood nang live at on-demand sa pamamagitan ng PusoP.com livestream at Solar Sports.

Sa panig ng Lady Blazers, nagtala si Camila Bartolome ng 16 puntos, habang may 12 puntos si Mary Grace Borromeo sa kanilang kabiguan.

Samantala, nasungkit ng Letran ang ikatlong puwesto matapos talunin ang Australian guest team na Southern Storm Melbourne, 25-21, 18-25, 25-17, 25-23.

Pinangunahan ni Judiel Nitura ang Lady Knights sa pamamagitan ng 19 puntos, habang nagdagdag sina Reeza Abayon ng 12 at Carly Nathalie Tizon ng pito upang makamit ng Intramuros-based squad ang ikalawang sunod na third-place finish sa torneo.

Tinanghal na Most Valuable Player (MVP) si Angeline Poyos ng UST. Kinilala namang Best Setter si Hizki Flores ng Letran. Pinarangalan din bilang mga individual awardees sina Althea Botor ng Enderun Colleges (Best Outside Hitter), Le Thi Diem Phuong ng Ho Chi Minh City Volleyball Club (Best Opposite), Fiona Inocentes ng College of Saint Benilde (Best Middle Blocker), at Milla Smith ng Southern Storm Melbourne, Australia (Best Libero). (SSL/HNT)