Boracay aasahan ang dagsa ng manlalangoy, turista sa 4th SEA Open Water Championships — Buhain
INAASAHAN ng Philippine Aquatics Inc. (PAI) na mas maraming manlalangoy at turista ang dadagsa sa Boracay para sa 4th Southeast Asian Open Water Championships na inihahandog ng Philippine Sports Commission (PSC), na gaganapin mula Agosto 21 hanggang 23 sa karagatan ng Boracay Newcoast sa Malay, Aklan.
Ayon kay PAI secretary general Eric Buhain, ang kasikatan ng Boracay bilang pangunahing beach destination ng bansa ang magiging malaking dahilan upang makahikayat ng mas maraming kalahok at manonood sa prestihiyosong torneo.
“May Bali ang Indonesia, may Pattaya ang Thailand, at ngayon ay ipinagmamalaki ng Pilipinas ang Boracay. Inaasahan naming mas marami pang swimmers at turista ang dadalo sa open water swimming championships,” ani Buhain sa Philippine Sportswriters Association Forum.
Inihayag naman ni PAI executive director Anthony Reyes na walong bansa mula sa 11 miyembro ng Southeast Asian Swimming Federation ang nakumpirmang sasabak sa torneo.
Kabilang dito ang Indonesia, Laos, Malaysia, Singapore, Thailand, Timor-Leste, Vietnam at ang host na Pilipinas.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magiging punong-abala ang bansa sa naturang open water swimming championship na isasagawa sa 150-ektaryang Boracay Newcoast tourism estate na binubuo ng Megaworld.
Ayon naman kay PAI president Michael Vargas, hindi lamang magpapalawak ng open water swimming sa Timog-Silangang Asya ang torneo kundi higit ding maipapakita ang kagandahan ng Boracay at ang mainit na pagtanggap ng mga Pilipino sa mga dayuhang bisita.
Tinatayang nasa 200 swimmers ang lalahok sa medal events sa 5-kilometro at 10-kilometrong karera para sa men’s at women’s divisions. Gaganapin ito sa 1.66-kilometrong parisukat na ruta sa loob ng cove ng isla sa madaling-araw upang matiyak ang ligtas na kondisyon ng karagatan.
Bukod dito, inaasahan pang madaragdagan ang bilang ng mga kalahok dahil isasabay ang Open Water Festival na may 3-km at 5-km events, alinsunod sa sports tourism advocacy ni PSC Chairman Patrick Gregorio.
Nagpasalamat din si Buhain sa buong suporta ng lokal na pamahalaan ng Malay at Aklan sa pangunguna nina Mayor Frolibar Bautista at Governor Jose Miraflores, gayundin sa National Sports Tourism Interagency Committee sa pamumuno ni Gregorio.
Binigyang-diin ni Gregorio na ang torneo ay patunay ng matagumpay na pagtutulungan ng pamahalaan, pribadong sektor at National Sports Associations sa pagsasagawa ng isang pandaigdigang sporting event.
“Hindi lamang ito makatutulong sa pag-unlad ng open water swimming sa bansa, kundi malaking tulong din sa turismo. Panalo ang lahat sa ganitong programa,” ani Gregorio.
Samantala, tiniyak nina Buhain at Reyes na mahigpit ang ipatutupad na mga hakbang sa kaligtasan sa buong tatlong araw ng kompetisyon. Magkakaroon ng mga lifeguard, life raft, medical teams at iba pang personnel na nakaantabay sa iba’t ibang bahagi ng ruta upang matiyak ang seguridad ng lahat ng kalahok, maging sa kanilang pagsasanay at sa aktuwal na karera. (PSC/HNT)