Kosmas, Johns Design magsasanib-puwersa sa pagpapatayo ng world-class pickleball facilities sa PH

Pickleball

PASIG CITY — Pormal nang lalagdaan ng Kosmas Consultancy, isang business unit ng Kosmas Athletic Ventures Corp. (KAVC), at Johns Design and Consulting (JDC) ang kanilang kasunduan na magbibigay-daan sa pagtatayo ng mga world-class pickleball facilities sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa ilalim ng partnership, pagsasamahin ng KAVC at JDC ang kanilang kaalaman sa technical consulting, facility planning, architectural design, at operational strategies upang makalikha ng mga de-kalidad, sustainable at tournament-ready na pickleball venues sa Pilipinas.

Layunin ng kolaborasyon na makapaghatid ng mga pasilidad na pasok sa pandaigdigang pamantayan at makatutulong sa patuloy na paglago ng pickleball sa bansa.

Isa sa pinakamalaking proyektong bunga ng kanilang pagtutulungan ang Helios Pickleball Center, na nakatakdang maitayo sa 2028 sa Bridgetowne, Pasig City.

Itatampok ng Helios ang 25 tournament-grade pickleball courts at isang 2,000-seat championship center court, na inaasahang magiging isa sa pinakamalalaking pickleball complexes sa Pilipinas.

Bukod dito, magkakaroon din ang pasilidad ng world-class court systems, professional-grade lighting, premium equipment, gym, leisure at retail spaces, na idinisenyo upang pagsilbihan ang mga recreational players, pickleball enthusiasts, at maging ang mga elite athletes na sasabak sa mga prestihiyosong torneo tulad ng Professional Pickleball Association (PPA) at Major League Pickleball (MLP).

Inaasahan ding magiging huwaran ang Helios para sa mga susunod pang pickleball developments sa bansa at magsisilbing malaking hakbang sa pagpapalakas ng sports infrastructure ng Pilipinas.

Pangungunahan ang contract signing nina Kim Lapus, Pangulo ng Kosmas Athletic Ventures Corp.; Dickie Bachmann, Head of Operations ng KAVC; Collin Johns, co-founder ng Johns Design and Consulting at isa sa pinakakilalang pickleball professionals sa mundo na may 35 PPA doubles titles; at West Shaw, Chief Operating Officer ng JDC. (KAVC/HNT)