Pickleball, pinalalawak ang komunidad sa pamamagitan ng sports at pagkakaibigan

Rally Dink Central RDC pickleball

PINASINAYAAN nitong Miyerkoles ang Rally Dink Central (RDC) pickleball court na naglalayong patibayin ang lumalaking komunidad ng sports sa Kamaynilaan.

Mula sa pinagsasaluhan ng magkakaibigang mahilig bumiyahe ay nauwi sa isang negosyo para kina Jona Bendo at mga kapwa negosyanteng sina Amir Mangandog, Meriam Mangandog, Nor Tamano, Hanan Abdul Jabbar at Jonas Ibarrola. Binago nila ang dating skating rink upang maging isang pasilidad para sa pickleball at makatulong na matugunan ang tumataas na pangangailangan sa mga court.

Para kay Bendo, namamahala ng  Red Travel Bag travel agency, naging dahilan ng pagtatayo ng RDC ang dumaraming nahuhumaling sa pickleball ngunit nahihirapang makahanap ng bakanteng court dahil sa patuloy na pagsikat ng laro.

“Dati, regular kaming nagbibiyahe kaya nabuo ang pagkakaibigan namin at naging parang pamilya na rin kami. Naglalaro rin sila ng pickleball, pero dahil sa pagdami ng mga manlalaro sa komunidad, nahihirapan na silang makapag-book ng court. Marami nang pickleball court sa Metro Manila, pero sa dami ng mga manlalaro, talagang nagkukulang pa rin ang mga pasilidad,” ani Bendo.

Kalaunan, nakakita ang grupo ng bakanteng bodega sa tulong ng isang kaibigan at nakita nila ang oportunidad na gawing pasilidad na madaling puntahan ng mga manlalaro mula sa iba’t ibang bahagi ng kalakhang Maynila, partikular sa Taguig, Antipolo, Pasig at Marikina.

“Naghanap kami ng lugar sa paligid ng Metro Manila hanggang sa malaman namin sa isang kaibigan ang tungkol sa bakanteng bodega na ito sa San Andres Compound, 5 F. Legaspi, Brgy. Maybunga, Pasig City

Madali itong puntahan ng mga manlalaro mula sa Taguig, Antipolo, Pasig at Marikina kaya napagpasyahan naming ilaan ang aming mga puhunan,” dagdag niya.

Matatagpuan sa loob ng isang 3,000-square-meter na bodega, nagtatampok ang RDC ng anim na pickleball court na sumusunod sa mga internasyonal na pamantayan, na nilagyan ng makabagong sistema ng bentilasyon upang maging komportable ang paglalaro, pagsasanay at mga palakaibigang kompetisyon.

“Hindi mainit ang court kaya mas mae-enjoy ang paglalaro,” ani Amir, isang taga-Mindanao na kasalukuyang naninirahan sa Cagayan de Oro City.

Sinabi ni Amir na ang regular niyang pagpunta sa Maynila para sa negosyo ay nagbibigay rin sa kanya ng pagkakataong maglaro ng pickleball, na itinuturing niyang masayang paraan upang mapanatiling malusog ang katawan habang nakikilala at nakakasalamuha ang kapwa mahilig sa sports.

“Dahil sa negosyo, regular kaming pumupunta sa Maynila at malaking bagay ang paglalaro ng pickleball para manatiling malusog at aktibo. Marami rin sa ating mga kapatid na Muslim ang nahilig na sa sport na ito kaya napapanahon ang pagbubukas ng RDC,” dagdag niya.

Dumalo rin sa pormal na pagbubukas ng pasilidad ang mga kaibigan nilang artista, kabilang sina Christopher Martin at Andrew Muhlach, na lumahok sa isang exhibition match laban sa ilan sa mga unang walk-in client ng RDC.

Higit pa sa pagbibigay ng karagdagang espasyo para sa paglalaro, layunin ng RDC na patibayin ang lumalaking komunidad ng pickleball sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga manlalaro mula sa iba’t ibang antas ng kasanayan at pinagmulan, habang itinataguyod ang kalusugan, pagkakaibigan at networking.

Bukas ang pasilidad araw-araw mula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng madaling-araw. Tumatanggap ito ng walk-in players at mga paunang reservation sa halagang ₱700 kada oras bawat court. Maaaring magpa-book sa pamamagitan ng opisyal na social media platforms ng RDC.

Sa patuloy na pagsikat ng pickleball, hinihikayat ni Bendo ang mas marami pang mahilig sa sports na subukan ang laro at maging bahagi ng lumalawak nitong komunidad. (HNT)