Dalawang malalaking torneo, gaganapin sa Maynila
PICKLEBALL ASIA TOUR, MAKASAYSAYANG DEBUT SA PILIPINAS SA 2027

Pickleball PPA 125 PPA 500 Manila Open

MAKAKAMIT ng Pilipinas ang panibagong karangalan sa international pickleball sa pagdating ng Professional Pickleball Association (PPA) Asia Tour sa bansa sa 2027, tampok ang dalawang malalaking torneo sa Maynila.

Unang gaganapin ang PPA 125 sa Enero 14–18, kasunod ang PPA 500–Manila Open 2027 sa Pebrero 25–28. Parehong idaraos ang mga torneo sa Helios SPARC sa Bridgetowne, Pasig City.

Inanunsyo ang makasaysayang kaganapan sa SM Mall of Asia Music Hall, kasama ang pagbisita sa bansa ng world-class pickleball star na si Anna Bright, isa sa mga nangungunang manlalaro ng PPA Tour.

Malaking hakbang ito para sa patuloy na paglago ng pickleball sa Pilipinas, dahil mabibigyan ang mga lokal na atleta ng pagkakataong makipagsabayan sa mga dayuhang manlalaro nang hindi na kailangang lumabas ng bansa.

Pinangunahan ng Kosmas Athletic Ventures Corp. (KAVC) ang pagsasakatuparan ng torneo bilang bahagi ng layuning palawakin ang pickleball at gawing mas aktibo at abot-kaya ang paglahok ng mga Pilipino sa naturang sport.

Inaasahang dadagsa sa Manila Open 2027 ang mga propesyonal na pickleball player mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Kasabay rin nito ang pagbubukas ng Helios SPARC, isang bagong pasilidad na may 14 na world-class court, kabilang ang pangunahing court na kayang tumanggap ng humigit-kumulang 1,000 manonood.

Hindi rito magtatapos ang plano ng KAVC. Pagsapit ng 2028, nakatakdang palawakin pa ang pickleball facilities sa Bridgetowne sa pamamagitan ng Helios Pickleball Manila, na magkakaroon ng 25 propesyonal na court at pangunahing court na may kapasidad na 2,000 manonood.

Sa pagdaraos ng mga internasyonal na torneo, inaasahang mas sisigla ang pickleball sa bansa, mahihikayat ang mas maraming Pilipino na maglaro at mabubuksan ang mas maraming oportunidad para sa mga lokal na atleta.

Partikular na malaking pagkakataon ang PPA 125 para sa mga naghahangad na propesyonal na manlalaro dahil maaari silang makakuha ng mahahalagang ranking point at karanasan sa mataas na antas ng kompetisyon.

Inaasahang ilalabas sa mga susunod na buwan ang iba pang detalye hinggil sa pagpaparehistro at iskedyul ng mga torneo. Pinapayuhan ang mga interesado at tagahanga na subaybayan ang opisyal na social media channels ng Pickleball Pilipinas para sa mga anunsyo. (HNT)