Anna Bright, dinumog ng Pinoy fans sa MOA

Anna Bright pickleball

DINUMOG ng daan-daang tagahanga at lokal na manlalaro nitong Martes ng hapon ang SM Mall of Asia Music Hall sa Pasay City para masilayan at makilala nang personal ang pickleball superstar na si Anna Bright.

Mainit ang pagsalubong ng mga Pinoy kay Bright, na may 43 career titles sa Professional Pickleball Association (PPA) Tour. Hindi rin itinago ng American star ang kanyang kasiyahan sa pagkakataong makalaro at makasalamuha ang mga tagahanga sa Pilipinas.

“Everyone is so excited to be on the court with me,” masayang pahayag ni Bright sa press conference at pagtitipon.

Naging tampok sa aktibidad ang mga palaro at rally challenge, pagsubok sa mga JOOLA paddle, pakikipagkuwentuhan sa mga tagahanga at pagpirma sa kanilang mga paddle.

Hindi lang saya ang hatid ng pagbisita ni Bright kundi inspirasyon din sa mga batang Pinoy na nangangarap makilala sa mundo ng pickleball.

Inihahandog ng InLife at pinangungunahan ng Helios Pickleball Manila at Kosmas Athletic Ventures Corp. (KAVC) ang pagbisita, na layong bigyang-pansin din ang mga batang Pinoy na nangangakong magpapalakas sa kinabukasan ng pickleball sa bansa.

Bago dumating sa Maynila, nagkampeon si Bright sa women’s doubles ng Hong Kong Slam noong Linggo, katuwang ang kapwa pickleball star na si Anna Leigh Waters. Nauna ring bumisita sa Pilipinas si Waters isang linggo bago ang torneo.

Patuloy namang sumisikat ang naturang sport sa bansa. Batay sa datos ng DUPR, tumaas nang 1,213 porsiyento ang bilang ng mga gumagamit ng platform sa Pilipinas sa nakalipas na 12 buwan, patunay ng mabilis na paglaki ng komunidad ng pickleball sa bansa.

Kabilang sa mga sumusuporta sa pagbisita ang Department of Tourism (DOT), JOOLA, Juego, Toby’s Sports, SM Active, Ayala Malls Manila Bay, Newport World Resorts, Tela Park Pickleball Center, at Stride and Stroke. (HNT)