NAMANGHA at tuwang-tuwa ang pickleball superstar na si Anna Bright sa mainit na pagtanggap ng mga Pinoy sa kanyang dalawang araw na pagbisita sa Maynila nitong Lunes at Martes.
Matapos masungkit ang women’s doubles championship sa Hong Kong Slam, hindi maitago ng 43-time titlist ng Professional Pickleball Association (PPA) Tour ang kanyang kasiyahan sa dagsa ng mga tagahanga sa Anna Bright in Manila Event, na inihandog ng InLife sa SM Mall of Asia Music Hall.
Agad na pinasigla ni Bright ang mga manonood nang isigaw ang, “Mabuhay! Salamat Manila! Salamat Pilipinas!”
Hindi rin nagpahuli ang American sports icon sa pagyakap sa kulturang Pinoy. Isinuot pa niya ang tradisyonal na kulay rosas na Filipiniana bolero at ibinahaging natikman na niya ang mga pagkaing Pinoy gaya ng isaw at sisig.
“Napakaganda ng pickleball community sa Pilipinas. Alam kong maraming mahilig sa sport dito, pero iba ang init ng pagtanggap sa akin at ang kagustuhan ninyong ibahagi ang inyong kultura,” ani Bright.
Naniniwala rin ang American star na malaki ang potensiyal ng pickleball sa Asya, lalo na sa Pilipinas na mabilis ang paglago ng komunidad ng mga manlalaro.
Batay sa pinakahuling 12-buwang datos ng DUPR, umakyat nang 1,213 porsiyento ang bilang ng mga gumagamit nito sa bansa, dahilan upang makilala ang Pilipinas bilang pinakamabilis lumagong pickleball market sa buong mundo.
“Bilang spectator sport, napakabilis ng paglago ng pickleball sa Asya. Posibleng mas mabilis pa ito kaysa sa Estados Unidos dahil marami nang matatag na sports doon. Dito, may mga court sa loob ng mga mall at maraming nanonood,” paliwanag niya.
Bukod sa pagbibigay-saya sa mga tagahanga, nagpaalala rin si Bright sa mga batang Filipina athlete na huwag matakot sumubok at magkamali sa loob ng court.
Aniya, normal lamang ang pagkabigo at pagkatalo sa proseso ng pag-unlad, ngunit mahalagang matutong bumangon at muling lumaban.
Nagsisilbing panimula ang pagbisita ni Bright sa makasaysayang pagdadala sa Pilipinas ng prestihiyosong PPA Asia Tour sa 2027.
Nakatakdang idaos ang dalawang torneo sa bagong Helios SPARC facility sa Pasig City: ang PPA 125 sa Enero 14–18 at ang PPA 500–Manila Open sa Pebrero 25–28.
Ayon kay sports executive at dating Philippine Sports Commission Chairman Richard Bachmann, na ngayon ay Head of Operations ng Kosmas Athletic Ventures Corp. (KAVC), malaking hakbang ang pagdating ng mga international pickleball event sa bansa.
“Dati, maraming Pilipino ang pumupunta pa sa Vietnam at Malaysia para makapaglaro sa PPA. Ngayon, hindi na nila kailangang bumiyahe sa ibang bansa dahil dito na natin ito idaraos,” ani Bachmann.
Inaasahang magsasama-sama sa Manila Open 2027 ang ilan sa pinakamahusay na professional pickleball players sa mundo.
Bahagi rin ng paghahanda ang pagbubukas ng Helios SPARC, na magkakaroon ng 14 na professional-grade court, kabilang ang championship court na kayang tumanggap ng humigit-kumulang 1,000 manonood.
Plano rin ng KAVC na magtayo ng isa pang premium sports hub sa Bridgetowne pagsapit ng 2028. Ang Helios Pickleball Manila ay nakatakdang magkaroon ng 25 professional-grade court, kabilang ang championship court na may kapasidad na 2,000 manonood.
Layunin ng proyekto na palawakin ang mga pasilidad para sa sports, palakasin ang pickleball community at gawing isa sa mga pangunahing destinasyon ng international sporting events ang Pilipinas. (HNT)
