DAKAR, Senegal – Nananatiling posible ang podium finish ni Jade Justine Justiniane sa men’s windsurfing sa kabila ng pagkadulas nito sa ikalimang puwesto matapos ang Races 10 hanggang 12.
Ayon kay coach German Paz, hindi pa dapat isuko ang laban dahil may tatlong karera pang nakatakda sa Huwebes at malaki ang magiging papel ng kondisyon ng hangin.
Ipinaliwanag ni Paz na 12 puntos lamang ang kailangang habulin ni Justiniane sa mga karibal nito, kaya posible pang magbago ang puwesto sa natitirang karera.
Gayunman, aminado ang coach na hindi naging pabor kay Justiniane ang hangin at naapektuhan din ang kanyang kampanya ng isang insidente sa Race 10 na nagresulta sa Did Not Start (DNS).
Ayon kay Paz, napagkamalan ng batang Pinoy ang hudyat ng karera kaya bumalik ito sa halip na magpatuloy. Dahil dito, nasira ang kanyang diskarte at labis itong nadismaya.
Dagdag pa ng coach, nakadepende sa direksiyon at lakas ng hangin ang magiging takbo ng huling tatlong karera, ngunit naniniwala siyang kaya pa ring makabawi ni Justiniane. (POC Media Pool/HNT)
