Coleman, umatras sa 100m breaststroke

Riannah Chantelle Coleman

DAKAR — Mas pinili ng Team Philippines na pagpahingahin si Riannah Chantelle Coleman at hindi na ito sumabak sa women’s 100-meter breaststroke heats nitong Martes sa 4th Youth Olympic Games (YOG) matapos makaranas ng hirap sa paghinga.

Ikalawa sana ito sa tatlong event ni Coleman sa kompetisyon, ngunit nagpasyang magpahinga muna nang dalawang araw ang Philippine swimming team upang matiyak ang kanyang kaligtasan at makabawi para sa huling laban.

Ayon kay swimming coach Ramil Ilustre, mas makabubuting huwag nang ipagsapalaran ang kalagayan ng 17-anyos na si Coleman.

Nakararanas din ng hyperventilation si Coleman matapos ang 200m breaststroke heats nitong Lunes at kinailangang alalayan ng YOG Medical Team. Pinayagan naman siyang lumahok sa finals sa parehong araw kung saan nagtapos siyang ikapito sa walong manlalangoy.

Init at mataas na humidity ang itinuturong dahilan ng kanyang kondisyon.

“Talagang naaapektuhan siya ng init,” ani Coleman, na muling sasabak sa women’s 50m breaststroke sa Biyernes.

Ayon naman kay Chef de Mission Rocky Samson, humiling pa si Coleman na apat na electric fan ang nakatutok sa kanyang kama upang maibsan ang init sa kanilang kuwarto sa Youth Olympic Village (YOV), na walang air-conditioning.

Bawat kuwarto ay may apat na kama at tig-iisang electric fan lamang ang inilaan sa mga atleta.

Sinuportahan naman ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino ang desisyong umatras si Coleman sa 100m event.

Aniya, mas mahalagang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng batang atleta na marami pang taon ang maaaring ilaan sa kanyang swimming career.

Samantala, abala naman sa ensayo si Jamesray Mishael Ajido para sa dalawa niyang event sa Miyerkules—ang 50m freestyle at 50m butterfly.

Nakarating na rin sa Olympic Village sina gymnast Tchelzy Maayo at Hillarion Palles III kasama ang kanilang mga coach na sina Reyland Capellan at Kazutaka Hakamada.

Ayon kay Capellan, nagsimula na ang seryosong ensayo ng dalawang Pinoy gymnast nitong Martes matapos silang makabawi sa mahabang biyahe at jet lag.

Sa Sabado magsisimula ang gymnastics competition sa Dakar Exhibition Center sa Diamniadio.

Dahil dalawa lamang ang kinatawan ng Pilipinas, hindi makakasali ang bansa sa team event at sa individual all-around lamang sasabak sina Maayo at Palles. (POC Media Pool/HNT)