BANGKOK, Thailand — Malugod na tinanggap ng Asian Volleyball Confederation (AVC) ang opisyal na pagkilala ng International Volleyball Federation (FIVB) sa bagong pamunuan ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) sa pangunguna ni President Frank Lao.
Ayon kay AVC President Ramon Suzara, malaking ginhawa ang hatid ng desisyon ng FIVB dahil maaari nang magpatuloy nang maayos ang operasyon ng PNVF nang walang anumang isyu sa pagkilala ng pandaigdigang volleyball body.
“Ikinagagalak ko na sa wakas ay kinilala na ng FIVB ang bagong pamunuan ng PNVF,” pahayag ni Suzara nitong Martes.
Dagdag pa niya, hangad ng AVC ang maayos at nagkakaisang pamamalakad ng lahat ng national federation na kabilang sa kanilang organisasyon.
Kasabay nito, binati ni Suzara si Lao sa pagkakahalal bilang bagong pangulo ng PNVF at tiniyak ang suporta ng AVC sa kanyang administrasyon.
Ayon kay Suzara, patunay ang pagkakahalal kay Lao sa tiwala at kumpiyansa ng volleyball community sa kanyang pamumuno.
Umaasa rin ang AVC na higit pang mapalalakas ang ugnayan at pagtutulungan nila ng bagong pamunuan ng PNVF upang maiangat ang Philippine volleyball at makamit ang mas maraming tagumpay sa mga susunod na taon.
Sa liham na may petsang Nobyembre 2, pormal na ipinaalam ng FIVB kay Lao ang pagkilala nito sa kanyang pagkakahalal.
Matapos repasuhin ng FIVB Legal Department ang mga dokumentong isinumite ng PNVF, kinumpirma nitong pasado sa legal at administratibong rekisito ng kanilang mga regulasyon ang proseso ng halalan.
Dahil dito, ia-update ng FIVB ang kanilang opisyal na rekord, kabilang ang talaan ng mga national federation sa kanilang website. (PNVF/HNT)
